Nakakataba rin siguro ng puso para sa mga tatay na makitang nasa dugo ng kanilang mga anak ang hilig sa mahal nilang laro.
Isa na siguro si Renren Ritualo ng FedEx Express sa mga may pagkakataong higitan pa ang nagawa ng kanyang amang si Florendo Ritualo. Lalo silang napalapit sa isa't isa dahil mapag-uusapan na nila ang karanasan sa PBA.
"Siyempre, napapalapit din kami, dahil pareho kami ng interes, e," banggit ni Renren. "Papunta pa lang ako, pabalik na siya. Marami akong natututunan sa kanya."
Sa dinami-dami ng mga naging Most Valuable Player sa kasagsagan ng paghahari ng Crispa sa PBA, di maiiwanan si Freddie Hubalde. Naluklok si Atoy Co, Philip Cezar, Abet Guidaben, Bogs Adornado, Bernie Fabiosa at Hubalde bilang MVP. Ngayon, tatlong anak na lalaki ang nagdadala ng pangalang Hubalde sa mga college leagues.
"Proud kami kasi tatay namin siya," pag-amin ni Derek Hubalde, na guwardiya para sa UST Growling Tigers.
"Mataas ang expectation ng mga tao, kaya medyo mahirap, pero okay lang. Iba pa rin yung may dala kang pangalan."
Para kay Arjun Cordero, iba naman ang dahilan ng kanyang pagsusumikap. Bagamat naging player din ang kanyang amang si Jun, pero mas nakilala bilang isang referee. Nakita ni Arjun ang pag-aalipusta ng mga tao sa kanyang tatay, kaya't pinagpasyahan niyang maging mahusay na basketbol player.
"Sabi ko sa Papa ko, ako na lang ang magtatrabaho," sabi ni Arjun. "Masakit sa akin yung nakikita kong sinisigawan yung tatay ko, minumura siya ng mga tao.
Masuwerte naman kami, dahil libre ang pag-aaral ko, at nakapaghanapbuhay pa ako."
"Ang sabi ko lang sa kanya, huwag siyang masyadong mainit," dagdag ng nakatatandang Cordero. "At sa lahat ng huwag niyang gagawin, huwag niyang aawayin ang mga referee. Para na rin niya akong sinaktan. Awa ng Diyos, mabait itong anak ko."
Ang mga anak talaga ang patunay na tuloy ang ikot ng mundo. Sila rin ang patunay na kailangan pa rin hanapin ang sarili natin daan.