Sina Roy Vence, Allan Ballester at Crisanto Canillo, ang 1-2-3 sa Philippine Marathon ay lumagda na ng kani-kanilang forms para sa Manila Marathon na idaraos sa Hunyo 22 sa out-and-back course sa Luneta. Bukod sa full 42.195-km event, mayroon ring karera para sa 10K, 5K at 3K sa Manila Marathon.
Nagparehistro rin si Flordeliza Cachero, ang Philippines No. 2 female marathon runner sa nasabing event na gaganap ng mahalagang papel upang madetermina ang bubuo sa national team na ilalahok ng bansa sa Sea Games.
Walang registration fees na sisingilin sa inagurasyon ng naturang karera. Ang mga registration centers ay makikita sa Manila Sports Council (MASCO) office sa loob ng City Hall at San Andres gym sa Malate, Manila at sa Philippine Amateur Track and Field Association office sa pamamagitan ng secretary-general na si Ben Silva Netto sa Rizal Memorial Sports Complex. Maaaring tumawag sa tel. nos. 5270983, 5261914 at 5277804 o telefax 5261916 para sa iba pang detalye.
Tatanggap ang top male finisher sa 42K ng P75,000,habang ang No. 1 female runner ay mag-uuwi ng P50,000. Maglalaan rin ng mga cash prizes sa makakapasok sa top 10 finishers sa mens at womens 42K gayundin sa iba pang distansiya.