Akala kasi nila, ibabangon ni PBA Commissioner Noli Eala ang tila nalulugmok ng liga nang mapili itong bagong commissioner, kapalit ni Jun Bernardino.
Tandang-tanda nila na sinabi ni Eala na kanyang ibabangon ang popularidad ng PBA na dumanas ng malaking dagok.
Hindi bat dahil sa krisis na pang-ekonomiya eh halos wala nang nanonood ng PBA sa mismong venues kundi sa TV na lamang?
Bago nagsimula ang 2003 season, maraming plano si Eala kung papaano muling ibabangon ang liga ngunit sa nangyayari ngayon marami ang nagsasabing lalong ibinabaon nito ang liga.
Walang sumasalungat sa kanyang ideya sa drug testing na kanilang isinasagawa dahil marami ang nagnanais na ipakitang malinis ang liga sa droga.
Oo ngat wala pang sampung players ang bumagsak sa drug testing nila pero, nakakalungkot isipin na maraming bumabatikos lalo nat ilan dito ay nagsasabing malinis ang konsensiya at talagang hindi sila gumamit kahit kailan ng ipinagbabawal na droga.
Kagulat-gulat kasing pati sina Jun Limpot at Noli Locsin ay makabilang sa mga hindi nakapasa sa drug test at sinasabing positibo sa isang substance na nasa ipinagbabawal na droga.
Maraming nagsasabing suportado nila si Eala sa kampanya kontra sa droga pero sana naman nagkaroon ng batayan.
At marami din ang nagtatanong sa indefinite suspension na agad-agad ipinataw ni Eala sa mga players at hindi man lang kinausap ng masinsinan at binigyan ng pagkakataong ipagtanggol ang kanilang sarili.
May nakapagsabi pa nga na may binitawan pang salita si Eala na " Ganyan naman talaga yang mga players, kapag naging positibo eh sasabihing mula ito sa diet supplements na kanilang ininom." (totoo ba ito Commissioner?)
Masakit para sa mga players na marinig ito sa isang taong akala nila ay tumatayong ama nila dahil nga itinuturing nilang isang pamilya ang PBA.
Hindi ba dapat ay mas maganda ang naging approach ni Eala sa kanyang mga anak kapag natuklasan ang ganitong klaseng pagsusuri.
Hindi mo dapat patawan ng parusa ang iyong anak ng hindi man lang nakakapagpaliwanag sa iyo lalo nat hindi mo naman nakitang nagte-take talaga ng drugs.
Oo ngat binigyan niya ng 7 days para umapela ang mga players pero sinira na niya ito at hiniya sa publiko nang ibunyag niya ang mga pangalan gayung suspects pa lamang sila.
At isa pa, nagkaroon na siya ng banta ng may lumabas na positibo sa drugs at kanyang pinarusahan.
Siyempre may binigyan na ng leksiyon kaya hindi na ito gagawin ng ibang players.
Oo ngat hindi sinasabing mga addict sila. Pero bakit napakabigat ng parusang ipinataw. Hindi lang ang pangkabuhayan ang sinira kundi ang pagkatao at karangalan ng isang tao ay winasak.
Lalong higit sa lahat apektado ang buong liga.
Ibig sabihin hindi pagbangon kundi pagbaon ang ginagawa ni Eala sa ligang tumagal na ng 28 years sapul nang magsimula ito noong 1975.
Mahal mo ba talaga ang PBA Commissioner Eala?