Dalawang beses nanalo si Reyes, 1999 world champion, una kontra kay Eddie Ang Kee Tian ng Singapore, 9-1, at isinunod naman si Mohammad Junarto ng Indonesia, 9-8, kinahapunan.
Ngunit mahaharap sa mabigat na sitwasyon ang 48 anyos na tinaguriang "The Magician" dahil ang kababayang si Antonio Lining ang kanyang makakalaban ngayon at kailangang manalo para makausad sa semis at premyong $20,000.
Nakausad naman si Lining sa quarterfinals nang manaig ito kay Ibra-him Bin Amir ng Malaysia, 9-6, at Chatchawat.
Umabante din si Warren Kiamco na nanaig kay Freddie Soh Chye ng Singapore 9-5, at William Ipaenen ng Indonesia 9-4.
Ang tagumpay ng tatlong Pinoy ay hindi lubos nang yumuko si Busta-mante kay Chang Pei Wei ng Taipei, 9-7.
Mapait na kabiguan ito para sa 39 anyos na si Bustamante na naunang nagwagi kay Fung Kwok Wai , 9-1.
"Malas talaga. Masama ang sargo. Tapos siya naman, bawat sargo, nakabungad sa butas ang nine ball," ani Bustamante.
"Okay lang. Talagang ganyan at mabuti na lang ay seeded ako sa Car-diff," dagdag pa ng Pinoy na hindi naapektuhan ang pagsali sa World Pool Championships sa Hulyo.
"Ganyan talaga ang nine ball. Ni hindi nga namin kilala yung tumalo kay Django pero siyempre magaling din yun. Bata pa pero batak sa mga laban." pahayag ni Reyes sa kabiguan ng kumpare.