Kumana si Dennis Miranda ng 10 sa kanyang 14-puntos sa final quarter upang manatiling nasa ibabaw ang Water Force sa 80-70, 29.5 segundo na lamang ang oras sa laro para masiguro ang kanilang tagumpay.
Tabla na ngayon ang Montana at Viva sa 2-1 panalo-talo.
Mahusay na depensa ang isinagawa nina Sunny Margate at Rhagnee Sinco para pigilan si David na tumapos ng 24-puntos, pitong rebounds at isang block ngunit nalimitahan sa apat na puntos lamang sa final quarter.
Nanatiling nakadikit ang Montana sa 68-70 mula sa basket ni Jon Dan Salvador sa huling 4:13 minuto ng labanan ngunit ang dalawang krusyal na miscues ni David ang nagbigay daan sa split ni Jeff Napa at triple ni Miranda na naglayo sa Viva sa 74-68, 3:20 na lamang.
Imbes na makabawi, tuluy-tuloy pa rin ang kamalasan ng Jewelers na sunud-sunod ang naging turn-over at ito ay sinamantala ng Viva upang iposte ang 80-70 kalamangan.
Ang tanging naging produksiyon ng Montana ay apat na puntos mula kina Salvador at Basco para makalapit sa 74-80, 10.1 segundo na lamang ang nalalabing oras sa laro.
Samantala, confidential, fool-proof, undisputable. Ito ang magiging batayan ng Philippine Basketball League na magsisimula ng kanilang drug-testing program sa lahat ng kanilang players, coaches at officials at nangakong mabigat na parusa ang kanilang ipapataw at tutulong sa rehabilitasyon ng mga magkakasala, ngunit hindi malalaman ng publiko.
Ang drug testing ay isasagawa ng Asia Pacific Medical Diagnostic Services, Inc. sa P600 bawat tao.
"I dont want to step on the toes of other people but we will do this while protecting the interest and integrity of the players. We wont even try to threaten their careers," ani PBL commissioner Chino Trinidad sa PSA Forum sa Manila Pavillion kahapon.