Kung tutuusin, si Phil Jackson ang arkitekto ng pinakamaraming rekord bilang coach, kaya hindi dapat masamain kung matisod siya minsan. Ang kanyang Chicago Bulls ang kaisa-isang NBA team na siyento porsyento ang rekord sa NBA Finals. Bawat pasok nila sa championship, panalo. At siya lamang ang coach na nakapaghatid sa dalawang magkaibang koponan sa championship.
Subalit, sa edisyon ng ESPN magazine noong Enero,-binanatan ng dating NBA -All-Star (at ngayo'y TV analyst) na si Bill Walton ang style ni Jackson.
Sinabi ni Walton na walang pasensya o kakayahan si Jackson na magtatag ng team na pang matagalan. Sa bagay, may punto siya. Sa anim na kampeonato ng Bulls, si Michael Jordan at Scottie Pippen lang ang nakapirmi.
Sina Horace Grant, Bill Cartwright, Ron Harper, John Salley, Bill Wennington at marami pang ibang player ang dumaan sa pinto ng Chicago. Maging sa Lakers, iyon pa rin ang pamamalakad ni Jackson.
Subalit, sa taong ito, sumabit si Jackson. Una, hindi na kaya ni Shaquille O'Neal na mamalagi sa line-up dahil sa operasyon sa kanyang paa. Pangalawa, umabot na sa kasukdulan ang kasuwapangan ni Kobe Bryant. At pangatlo, naubos na ang bangko ng LA. At inoperahan si Jackson upang maalis ang bara sa isang ugat sa may puso niya.
May umuugong na tsismis na lilipat si Karl Malone mula sa Utah Jazz at Scottie Pippen mula sa Portland Trailblazers. Kakayanin kaya ng mga gurang na ito na pahabain pa ang paghahari ni Jackson? Patuloy ang rigodon ng Lakers. At ang tagumpay ay may kakambal din na katigasan ng ulo. Ika nga "If it ain't broke, don't fix it." Sa mga mata ni Jackson, tama ang ginagawa niya.
Pero sa dami ng mga rookie na papasok sa susunod na taon, higit pa rito ang kakailanganin ng Lakers.
Kakailanganin nilang magbawas ng timbang si Shaq, matutong mamasa si Kobe, at tumibay ang kanilang mga reserba para makaiwas sa disgrasya.
Tignan natin kung magagawa nga nila iyan.