Makaraan ang dalawang taong pagkawala sa National pool, nagpamalas si Lerio ng dati niyang porma na nagbigay rin sa kanya ng karangalan nang kanyang bugbugin ang Belarus pug upang angkinin ang panalo sa bisa ng referee-stopped-contest sanhi ng head blows (RSC-H).
Sunud-sunod na atake ang ibinigay ng dating Sydney Olympian kay Chavazi, ang 2003 European Champion na hindi nagawang makasagot kung saan tinamaan ito sa ulo na nagpuwersa sa referee na itigil ang kanilang laban.
Ang tagumpay ni Lerio sa 57kg. bout ang nagkaloob ng award sa kanya bilang Best Fighter sa 14-nation tournament na ito na sanctioned ng Amateur International Boxing Association.
Ang tagumpay ni Lerio ay nalukuban ng kulimlim makaraang dumanas si Harry Tanamor ng kontrobersiyal na 8-5 pagkatalo sa mga kamay ni Lithuanian Ivan Stapovic para sa silver medal sa 51kg. category.
Isa sa kinukunsiderang mahusay na boxer ng bansa para sa Olympic medal, ilang ulit na nakipagsabayan si Tanamor sa kanyang kalabang, subalit apat na ulit itong binalewala ng referee upang bigyang pabor ang local favorite.
Susunod na kakampanya ang Filipinos sa Boxam International Championships sa Sevilla Spain sa Mayo 18-25 bago tutungo sa Acropolis Cup sa Greece sa Mayo 28-Hunyo 2.