Dahil dito, mahalaga pa rin ang panalo sa apat na koponang ito na sasalang sa dalawang larong nakatakda ngayong hapon sa Araneta Coliseum.
Nakatakdang magsagupa ang Coca-Cola at Alaska sa pambungad na laban sa alas-4:00 ng hapon at ang FedEx at Sta. Lucia naman ang magpapang-abot sa ikalawang laro, dakong alas 6:30 ng gabi.
Tuluyan nang nasibak ang Purefoods nang ibasura ni Commissioner Noli Eala ang kanilang protesta sa 76-77 pagkabigo laban sa FedEx kung saan kanilang inerereklamo ang na-count na winning basket ni Jerry Codiñera na dinesisyunan ng mga referees sa paggamit sa kauna-unahang pagkakataon ng instant replay rule. Ang panalong ito ang kumumpleto ng cast ng Group A quarterfinals kung saan tinangay ng Express ang San Miguel, Alaska at Sta. Lucia sa susunod na round.
Sa Group B, hinihintay na lamang ng Coca-Cola Tigers, Red Bull at Talk N Text kung sino sa Shell at Ginebra ang kanilang makakasama sa quarters.
Nakatuon na ngayon ang kanilang mata sa Asian Invitationals kung saan ang top five teams ang awtomatikong makakapasok dito habang ang maiiwang lima ay dadaan naman sa single round robin kung saan ang top team naman ang makukuha para kumpletuhin ang 10-teams, apat nito ay banyagang koponan.
Sa kasalukuyan, ang Red Bull pa lamang ang may nakareserba nang puwesto sa susunod na kumperensya dahil sa kanilang matayog na 13-4 record. (Ulat ni Carmela v. Ochoa)