^

PSN Palaro

Bakbakan sa NBA Playoff

GAME NA! - Bill Velasco -
Napakasama ng timing para sa ilang NBA teams ang mawalan ng player dahil sa injury. Unang-una, bakbakan talaga ang playoffs, dahil para sa marami, hindi na sila makakalapit ng husto sa championships kung hindi nila ito makuha ngayon.

Interesante ang labanan ng Dallas Mavericks at Sacramento Kings, dahil kapwa ito paborito ng mga fans. Marami ang nagsasawa na sa paghahari ng Los Angeles Lakers, at ang Mavericks (na pumasok sa NBA noong 1980) ay pinakabatang team na may pagkakataong makipagsabayan dito. Ang Kings (na dating Kansas City-Omaha Kings ng sinaunang NBA) ay palaging inaalat pagdating sa playoffs. Subalit ngayon, may mga beterano nang kayang magdala.

Kaya kamalas-malasan ng Kings na nawala sa kanila ang leading scorer na si Chris Webber. Napunit ang lateral meniscus sa kaliwang tuhod ni C-Web noong isang linggo, at di na rin siya makakabalik bago matapos ang season. Kaya tatlong European ang sinasandalan ng Kings sa kanilang bakbakan sa Mavs. Kumana ng 17 points si Hedo Turkoglu sa Game 4, habang maaasahan pa rin ang ikalawang scorer nilang si Peja Stojakovic at ang lider nilang si Vlade Divac.

Sa Los Angeles Lakers, di na makakabalik si Rick Fox, na inoperahan din sa paa noong nakaraang linggo. Mahalaga sa rotation ng mga kasalukuyang kampeon si Fox, dahil kaya nitong maglaro ng shooting guard, small forward at power forward.

Pero lumuwag ang paghinga ng Lakers dahil bumalik na si head coach Phil Jackson. Di nakapagtrabaho si Jackson sa Game 4 dahil sa isang angioplasty noong Sabado. Nagsusumikip ang kaliwang anterior artery ni Jackson, kaya mahina ang daloy ng dugo sa katawan niya. Pinasukan siya ng tubo sa puso, at sa pamamagitan ng isang maliit na lobo, inunat ang ugat para makadaloy ang dugo. Sa makabagong pamamaraan ng angioplasty, nag-iiwan ng maliit na bakal na singsing (tinatawag nilang "stent") para di na muling magsara ang ugat. Napakasakit ng operasyon, dahil pakiramdam mo'y inaatake ka sa puso. Kaya nakakabilib na bumalik agad si Jackson.

Sisikapin ng Lakers na abutin ang rekord ng Boston Celtics sa dami ng kampeonato sa NBA. Labing-apat na ang titulo ng Lakers, 16 sa Celtics, kabilang ang walong sunod noong panahon nila Bill Russell at Bob Cousy.

Kung tutuusin napakataas ng porsyento ng Celtics, dahil nakuha nila ang 16 championship sa 19 lamang na pagpasok sa Finals. Inabot na ng 27 pagtangka ang Lakers sa pagkamit ng 14 na kampeonato. Ang pinakahirap ay ang New York Knicks, Atlanta Hawks at Washington Wizards (25%). Walong beses pumasok sa championship ang Knicks, dalawang beses nakuha ito. Ang Hawks at Wizard, tig-apat na beses umabot sa final round, at tig-isa ang naiuwing kampeonato.

Pero, kung sa porsyento lang, walang tatalo sa Chicago Bulls, na, sa bawat pagtungtong sa Finals ay nagwawagi. At si Phil Jackson pa rin ang may kagagawan.

ANG HAWKS

ANG KINGS

ATLANTA HAWKS

BILL RUSSELL

BOB COUSY

BOSTON CELTICS

CHICAGO BULLS

DAHIL

KAYA

PHIL JACKSON

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with