PBA All-Star Games kapana-panabik

Makaraan ang isang taong pahinga, magbabalik ang Philippine Basketball Association All-Star Week na nangakong punum-puno ng kapana-panabik na kasiyahan, ilang dosenang pagbabalik-tanaw at maaksiyong laban ang nakatakda sa Mayo 30 at 31 at June 1 sa Araneta Coliseum.

Ipapakita ng pangunahing sports entertainment sa bansa kung gaano sila kadeterminado na tabunan ang hindi pagkakadaos ng All-Star spectacle noong nakaraang taon kung saan ang naturang palabas ay punum-puno ng mga aktibidades na hindi dapat sumablay. Ang nasabing annual All-Star Week ay hindi nagawa noong nakaraang taon dahil ang liga ay nakatali sa preparasyon ng bansa para sa Asian Games sa Busan, Korea.

Magkakaroon ng Fans Days sa Mayo 31 kung saan ang mga PBA fans ay makakakuha ng tsansa na makasalamuha ang kani-kanilang mga paboritong players at makasali sa iba’t ibang fun events.

Pero ang pinakatampok sa lahat ay ang reunion sa pagitan ng dating mahigpit na magkaribal na Crispa at Toyota sa Mayo 30.

Bukod kay Senator Robert Jaworski, dalawang iba pang great Toyota players sina Ramon Fernandez at Francis Arnaiz ang nagkumpirma na ng paglahok na inaasahang magiging klasikong duwelo.

Ang mga Crispa legends na sina Atoy Co, Bogs Adornado, Freddie Hubalde, Bernie Fabiosa, Abet Guidaben at Philip Cezar na pawang nasa bansa ay ibig ring maglaro at inaasahang magbabalik alaala sa kanilang mga nakaraang klasikong match-ups.

Show comments