Ang rookie center ng Houston Rockets ay mangunguna sa isang telethon na magmumula sa NBA TV studio sa Secaucus, New Jersey, upang makalikom ng pondo kontra sa sakit na nakasisira sa kanyang bansa at ilan pa sa Asya at Amerika. Ito rin ang kauna-unahang telethon na gagawin sa mainland China, sa pakikipag-ugnayan ng isang Shanghai Sports TV production group.
Pero, kapansin-pansin na karamihan ng mga tutulong kay Yao (liban sa kakampi niyang si Steve Francis) ay pawang mga international players ng NBA, o mga nabuhay noong panahong magulo pa sa Estados Unidos: Derek Fisher, 2003 MVP Tim Duncan, Steve Nash, Dirk Nowitzki, Dikembe Mutombo, Chris Webber, Vlade Divac, Peja Stojakovic, Phil Jackson, Bill Walton, Earl Monroe, Kevin McHale, John Havlicek, Richard Jefferson, David Robinson at NBA Commissioner David Stern.
Bakit kaya? Siguro dahil marami na sa kanila ang nakatikim ng iba-ibang sakuna na hindi na nararanasan ng mga purong Amerikanong manlalaro sa NBA, na lumaki sa mga tahimik na lugar kung saan walang digmaan, gutom, ethnic cleansing, pag-aalsa laban sa gobyerno, at iba pa.
Naaalala ko tuloy noong nagkaroon ng Gulf War, at nainterbyu ang ilang player tungkol sa epekto nito sa Amerika. Marami sa kanila ay napakababaw ng isinagot, dahil hindi nila naranasan ang giyera, o ang paghihirap. Sina Divac at Stojakovic, nakitang mag-away ang magkatabi nilang bansa. Si Nowitzki ay dating sundalo; si Robinson, galing sa Navy. Si Dikembe Mutombo ay nagpapatayo ng ospital sa bayan niya sa Africa. Si Nash ay tubong Canada, kung saan mabagsik ang SARS.
"Those who do not know history are condemned to repeat it." Kasabihang napakabigat intindihin sa mga kabataan ngayon. Malayo na ang World War II at Vietnam, maging ang Great Depression. Siguro, isipin na rin nating maka-katulong ng malaki sa mga kabataan kung maunawaan nila ang halaga ng kasaysayan, dahil maraming aral dito ang nawawalan ng saysay kung hindi naipapasa sa susunod na henerasyon.
Buhayin natin ang kasaysayan. Huwag natin itong kalimu-tan. Ito ang ugat ng lahat ng tagumpay.