Nakaka-Excite Ang Crispa-Toyota Reunion

Siguradong patok na patok ang Crispa-Toyota reunion game sa All-Star Games. Maraming basketball fans ang mas manonood pa nito kaysa sa regular All-Star games ng PBA players noon.

Tiyak na marami ang maghihintay na muling magkasama sa iisang court sina Robert Jaworski, Ramon Fernandez at Francis Arnaiz na noo’y siyang superstar ng Toyota Tamaraws. Umokey na raw si Jawo kaya tiyak na susugod ang mga Barangay Ginebra fans para suportahan si Senador.

Babalik daw si Francis Arnaiz para lang maglaro dito. Si Arnaiz ang siyang numero unong paborito at pantasya ng mga kababaihan at mga bading noon.

Alam ko, naglalaro pa rin si Ompong Segura. Sayang nga lang at wala na sina Arnie Tuadles, Fort Acuña at Alex Clarino na namayapa na. Mapaglaro pa kaya nila si Big Boy Reynoso at si Nat Canson?

Sa side ng Crispa, kay sarap sigurong makitang muli na nasa iisang team sina Abet Guidaben, Atoy Co, Phillip Cesar, Freddie Hubalde, Bernie Fabiosa, Bong dela Cruz, Bogs Adornado at Rudy Soriano. Mapaglaro pa kaya nila si Johnny Revilla o si Rey Franco?

Ang Crispa-Toyota days ang siyang pinakamaganda at pinaka-exciting na chapter ng history ng Philippine Basketball.
* * *
Tingnan nyo ang narating ng ilan sa mga players ng Crispa-Toyota.

Si Robert Jaworski ay naging Senador.

Si Phillip Cesar ay naging vice-mayor ng San Juan for a long time.

Si Ramon Fernandez ay naging very successful businessman at naging commissioner pa ng MBA league.

Si Atoy Co ay isa sa mga nirerespetong councilors ng Pasig.

Si Abet Guidaben ay nagkaroon din ng construction company.

Nagkaroon din ng mga negosyo sina Freddie Hubalde at Bong dela Cruz at sila ngayo’y coaches na sa NCAA.

Si Francis Arnaiz ay nagkaroon ng business sa Amerika at doon na nakabase kasama ang kanyang pamilya.

Si Ompong Segura ay may sarili na ring laundry business.

Kahit paano, malayo rin naman ang narating ng mga players ng Crispa at Toyota matapos nilang magretiro sa basketball.

Show comments