Sunud-sunod ang text message sa cellphone ni Valdez kamakalawa mula sa kanyang mga kamag-anak at kaibigan. "Anong nangyari sa iyo?, kasali ka pa ba?"
At kahapon, ipinaramdam niya na kasali pa siya nang pangunahan nito ang killer lap na San-Fernando-to-Baguio Stage 12 ng Tour Pilipinas 2003 na hatid ng Air21.
"Ang daming nag-text sa akin. Akala nila hindi na ako kasali. Naiwan kasi ako kahapon (Stage 11 Laoag-to-San Fernando) dahil ang sakit ng tuhod ko. Buti na lang medyo nakarekober ako," wika ng Tour veteran na si Valdez na kumarerang may benda ang tuhod na kanyang tinapalan ng luya at pinahiran ng gas at 2T.
Simula pa lamang ng 160-kilometer stage ay kumawala na si Valdez at sa pagbagtas ng Naguillian paakyat sa bayang ito pababa sa Agoo at muling umakyat via Kennon Road, unti-unti siyang dumistansiya ng husto para solong tawirin ang finish line sa tiyempong limang oras, isang minuto at 52-segundo.
Naagaw naman ni Querimit ang overall leadership mula kay Enrique Domingo ng Postmen at taglay nito ang isang minuto at 42 segundong distansiya sa pumapangalawa ngayong si Rhyan Tanguilig ng Pagcor, sa kanyang oras na 45:52.15 patungo sa huling tatlong yugto ng 15-stage, 18-days race na ito.
"Hindi ko na ibibigay ito," ani Querimit na siyang magsusuot sa ikaapat na pagkakataon ng yellow jersey sa 36-kms Individual Time Trial stage 12.
Bumagsak si Domingo sa ikalimang puwesto na may 8:18 minutong layo sa yellow jersey sa likod nina Merculio Ramos ng Samsung (3:11, third), at Warren Davadilla ng Intel (4:04, fourth).
Sumegunda kay Valdez si Danny Ganigan ng Samsung para sa P5,000 habang si Reynante naman ang third placer para sa P3,000.
Samantala, sumailalim sa urine test ang top five finishers ng stage kahapon at ang top 10 sa overall individual.
Sina Lloyd Reynante ng Pagcor, Bernard Luzon ng Patrol 117, Ronald Gorrantes ng EcoSavers, Felix Celeste ng VAT Riders at Renato Dolosa ng Gilbeys ang bumubuo ng top 10.
Nanatiling nakakapit sa no. 1 ang Intel para sa P1 million team prize sa oras na 185:23.37 na may 43:16 minutong distansiya sa pumapangalawa nang Tanduay kasunod ang Postmen, Samsung at Eco Savers. (Ulat ni Carmela Ochoa)