Hindi na mapapayagan pa ng PBA at iba pang sports association ang pagdungis ng pangalan nila dahil sa mga maling akala ng ilang player na hindi sila mabubuko ng batas.
Pero dapat ba talagang ipagdiinan ang mga player na gumagamit ng droga higit sa ibang tao? May isang matimbang na opinyon kontra dito.
Si Kareem Abdul-Jabbar, na nagmamay-ari ng pitong NBA championship (2 sa Milwaukee Bucks at 5 sa Los Angeles Lakers) at ilang rekord sa dalawampung taong paninilbihan sa NBA, ay di sang-ayon. Aniya, di dapat maging mas mabigat ang kakayahan o kahinaan ng isang basketbolista dahil lamang napapanood siya ng madla.
"Because a guy can bury a twenty-foot jumper or glide to the hoop like an angel doesn't make him the one to tell you how to live," ipinagdidiinan ni Jabbar sa kanyang autobiography na Giant Steps.
"Without ever having volunteered, we are called upon to personify and uphold the country's honor. This is nonsense. Athletes should be called upon to be equally as moral as every single individual in society, no more and no less. We are more visible, but not more valuable, than doctors, teachers, cab drivers and businessmen. Morality is an individual concern."
Ikinuwento rin ni Jabbar ang kanyang pagsubok sa cocaine at marijuana, lalo na noong dekada ng 1960's.
Subalit nakayanan niyang umiwas sa pagiging isang adik, lalo na nang muntik na niyang mapatay ang sarili niya't isang kaibigan nang magmaneho siya habang hilo sa cocaine.
Sa isang dako, hindi dapat paghigpitan ang atleta dahil lamang napapanood siya sa TV. Naghahanapbuhay din lang naman sila tulad ng ibang tao. Sa kabilang dako, mas malalaki rin ang pagsubok nila, mas madali silang lapitan ng tukso. Karamihan sa kanila'y payak na taong walang kakayahang timbangin ang biglang dating ng salapi, katanyagan, babae't kung anu-ano pang kakabit ng pagiging PBA player.
Ang mahalaga'y hindi na biro ang drug testing ng PBA.
Noon, nakakalusot diumano ang ilang team na paihiin na lamang ang ballboy sa lalagyan at tatakan ng pangalan ng kanilang star player. Hindi na iyan uubra ngayon.
Ano na ang mangyayari sa nagsisising si Jimwel Torion, at ang kakaibang higanteng si Alex Crisano? Una, tingnan mabuti ang ugat ng paggamit nila ng droga. Pangalawa, magsikap na buhayin muli ang kanilang karera, kahit malabo nang mangyari ito. At pangatlo, magsilbing babala sa iba pang nag-iisip na magloko tulad nila.