"Salamat kay Boss Miguel Belmonte. Hindi ko rin inaasahan yung tulong na yun, nagulat nga ako eh." ito ang paunang bigkas ni Domingo, dating STAR carrier, para sa P5,000 na tulong ng president ng Philippine Star at Pilipino Star Ngayon.
"Kalbo na kasi yung gulong ko kaya bumili ako ng bago," wika pa ng 32 anyos na si Domingo. "Malaking tulong ito para sa akin kasi nakuha ko yung overall at nakuha ko rin ang lahat ng sprint points," dagdag pa niya.
Hindi inaasahan ni Domingo na maaagaw niya ang yellow jersey kay Arnel Querimit ng Tanduay nang magtala ito ng kabuuang oras na 40 oras, 43 minuto at 04 segundo.
"Para kay Boss (Miguel) itong overall," aniya pa na tila hindi pa rin makapaniwalang siya na ang magsusuot ng yellow jersey.
Siya ay may 2:09 minutong kalamangan kay Querimit, 2:53 sa puma-pangatlong si Merculio Ramos ng Samsung, 3:23 kay Rhyan Tanguilig ng Pagcor Sports at 4:10 kay Warren Davadilla ng Intel patungo sa 160.0km San Fernando-to-Baguio Stage 12 ngayon.
Halos kay Domingo na rin ang overall sprint king title na may nakalaang premyong P30,000 bukod pa sa magarang relo na ibibigay ng Longines na nagkakahalaga ng P40,000 sa kanyang kabuuang 36 puntos habang ang kanyang pinakamalapit na katunggali na si Bernard Luzon ay may 19 points lamang patungo sa huling apat na yugto ng 15-stage, 18 days race na ito.
"Hindi ko na hinahangad yung overall title, pumasok lang ako sa top 10, okay na. Gusto ko lang makuha yung Sprint King kasi bukod sa premyo meron pang regalong relo. Yun ang gusto kong iregalo sa sarili ko," ani Domingo.
Inubos naman ni Feliciano ang kanyang lakas para makaalpas sa 15-man breakaway group sa huling 600 metro ng 214.2 kms. race kahapon at tawirin ang finish line sa bilis na 5:02.15 na may tatlong segundong layo kay Stage 9 winner Bernard Luzon at Paterno Curtan ng EcoSavers, para sa 2 at 3 finish ayon sa pagkakasunod. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)