Ang Olongapo-to-Dagupan stage ngayon ang pinakamahabang lap na tatahak ng 247.6 kilometro ay susubok ng tibay at lakas ng mga siklista lalo na ng mga siklistang nasa top 10 overall sa pangunguna ng overall leader na si Merculio Ramos ng Samsung at ng pumapangalawang si Arnel Querimit ng Tanduay.
Siguradong kanya-kanyang diskarte ang mangyayari ngayon parti-kular na para sa mga Pangasinense sa pamumuno nina Ramos at Querimit, produkto ng Tarlac at Pozzorubio, Pangasinan ayon sa pagkakasunod, lalo pat mahaba ang mga patag na kalyeng daraanan ngayon.
"Veterans move." Ito ang planong gawin ngayon ng three-lap winner na si Querimit, ang overall leader sa kaagahan ng karera na may dalawang minuto at 41 segundo na lamang ang layo sa yellow jersey ni Ramos na may oras na 23:10.09 matapos ang pitong stages.
Isa pang naghahabol kay Ramos ay si Placido Valdez ng Drug Busters na katabla lamang ni Querimit habang nasa fourth at fifth place ng overall individual standing sina Bernard Luzon ng Patrol 117 at Stage 7 Marikina-Olongapo winner Enrique Domingo ng Postmen na pareho ding tubong-Pangasinan at inaasahang gagawa rin ng kanilang hakbang ngayon.
Para sa kumpletong listahan ng top 10, nasa ikaanim na puwesto si Rhyan Tanguilig ng Pagcor, Warren Davadilla ng Intel, Lloyd Reynante ng Pagcor, Frederick Feliciano ng Drug Busters at ang beteranong si Renato Dolosa ng Gilbeys Island Punch.
Matapos ang pitong stages, pinakamalaking naipong premyo si Querimit na mayroon ng P33,000 bukod pa sa kanyang bahagi sa team stage prize nang manguna ang Tanduay sa Team Time Trial. Nanalo ito sa unang stage at nag-back-to-back sa Stage 5 at stage 6 na nagkawindang-windang matapos magkahiwa-hiwalay ng landas ang mga siklista sa bayan ng Calamba na siyang dahilan para mag-restart sa Sto. Tomas ngunit binalewala na ang oras. Nag-third din ito sa Stage 7 para sa P3,000.
Ayon sa isang impormante, may pabuya rin ang Tanduay na P60,000 para sa kanilang siklistang mananalo ng lap kaya kung makakakuha pa ng isang lap si Querimit ay mas malaki pa ang kanyang makukuhang pera kaysa sa individual overall prize na P200,000. (Ulat ni Carmela V.Ochoa)