Kumalas ang RP team rider na si Querimit sa isang malaking pulu-tong ng breakaway group sa huling limang kilometro at rumemate sa finish line para sa Lucena-to-Tagay-tay stage win.
"Ipinangako ko sa sarili ko na kukuha pa ako ng isa," ani Querimit na kumuha ng first stage. " At saka nandito yung national coach namin (Jomel Lorenzo). Nag-text siya kagabi at sinabing dapat national team ang manalo. Kaya pinilit ko ang lahat ng magagawa ko."
Tinapos ni Querimit, dalawang araw na nagsuot ng yellow jersey bago naagaw ni Ramos ito sa Stage 4, ang distansiyang 175.4 kilometro sa apat na oras, 13 minuto at 19 segundo na nag-angat sa kanya sa ikaapat na puwesto mula sa ikaanim overall individual standings.
Nahuli ng 46 segundo si Ramos kayat ang kanyang mahigit limang minuto na kalamangan kay Querimit ay naging 4:17 na lamang.
"Pinilit kong kumawala. Ang dami nilang nagbabantay sa akin sa likod eh. Di talaga ako pinakawalan," anaman ni Ramos. "Groggy na rin kasi ako kaya hindi ko na nasabayan si Arnel (Querimit) nung kumawala siya. Sa umpisa pa lang kasi nasa trangko na ako."
Walang nalagas sa top ten ngunit nagpalit-palit ng puwesto sina Bernard Luzon ng Patrol 117 (5th), Lloyd Reynante ng Pagcor (6th), Enrique Domingo ng Postmen (7th), Rhyan Tanguilig ng Pagcor (8th), Eusebio Quinones ng Patrol 117 (9th) at Fernando Alagano ng Intel (10th).(Ulat ni Carmela Ochoa)