Nagtala ng back-to-back stage win ang National rider na si Davadilla nang kanyang angkinin ang 207 km. Daet-to-Naga Stage 4, ang unang mahabang yugto ng Tour Pilipinas 2003 na hatid ng Air21.
Nagsolo breakaway ang 27 anyos na si Davadilla sa pag-ahon sa "Tatlong M" upang iwanan ng milya-milya ang mga kasama sa lead pack upang solong tawirin ang finish line sa harap ng Provincial Capitol ng bayang ito sa tiyempong 5:06.13.
Ang panalo ay nag-akyat sa kanya sa ikatlong overall standing mula sa 16th place kung saan naagaw naman ni Ramos ang liderato kay Querimit.
"Di ko akalain na mananalo ako dito," ani Davadilla na nanalo sa Naga-to-Daet stage kamakalawa. "Pag-ahon sa "Tatlong M", nung nakita kong may distansiya na, umangat na ako."
Napag-iwanan si Querimit, na maagang na-flat ang gulong sa unang apat na kilometro ng karera kayat naupos ang 12 minutes na kalamangan nito kay Davadilla, makaraang tumawid sa finish line na may 13 minutong distansiya sa stage winner kaya bumagsak ito sa ikaanim na puwesto.
"Na-trouble talaga ako kanina," wika ng Stage 1 winner na si Que-rimit na dalawang araw na nagsuot ng yellow jersey. "First two kilometers pa lang, na flat tire na ako. Ang tagal dumating ng reserba ko, halos tatlong minuto akong naghintay."
Nakinabang si Ramos sa mga pangyayaring ito dahil siya na ngayon ang overall leader at magsusuot ng yellow jersey sa Stage 5 ngayon-- ang 175.4 kms. Lucena-to-Tagaytay lap.
Mula naman sa ikaapat na pu-westo, umakyat sa ikalawa si Placido Valdez ng Drugbusters na kasabay ni Ramos na dumating sa finish line, may tatlong minuto makaraang dumating si Davadilla.
May 1:39 oras na kalamangan ang lider na ngayong si Ramos na nagtala ng 14:05.48 kay Valdez. (Ulat ni Carmela V.Ochoa)