Torion humingi ng despensa at umapela kay Eala

Nahaharap sa pagkulimlim ng kanyang basketball career, umaapela ang Batang Red Bull point guard na si Jimwell Torion kahapon na siya ay unawain at sinabi nito na makikipagkita siya kay PBA Commissioner Noli Eala anumang araw ngayong linggo upang personal na humingi ng kapatawaran sa kanyang nagawang kamalian.

Sa unang pagkakataon, dumalo ang 28-anyos na si Torion sa PSA Forum sa Manila Pavillion mula nang siya ay i-banned ng indefinitely ni Eala sanhi ng paghithit nito ng shabu at inamin nito na siya ay lumabag sa desisyon ng PBA.

"Nahihiya ako sa kasalanang nagawa ko," wika ni Torion. "I apologize to the PBA, my co-players and team officials, particularly Boss George (Chua). If given the chance to play again, I wil never commit the same mistake."

Nakikiusap rin siya sa PBA at Red Bull management na siya ay unawain at sinabi nito na malaki ang naging kawalan sa ng kasalanang ginawa at hindi niya alam kung paano niya susuportahan ang kanyang pamilya kung hindi na siya makakatanggap ng buwanang suweldo na P250,000.

"Hindi ko alam kung paano ko babayaran ang monthly amortization ng bahay ko (P83,000), at kung saan ako kukuha ng iba pang kailangan ng family ko," wika pa ni Torion at sinabi nito na hindi na siya muli pang makikipagkita sa kanyang mga Cebuanong kaibigan na nagpahamak sa kanya para humithit ng shabu sa isang party makaraan ang panalo ng Red Bull kontra sa Talk ‘N Text sa Cebu City ilang linggo pa lamang ang nakakalipas.Samantala, ikaapat na sunod na panalo ang tatangkaing maiposte ng Talk N Text sa kanilang paghaharap ngayon ng Alaska Aces sa pagbabalik ng aksiyon ng Samsung PBA All-Filipino Cup sa Makati Coliseum.

Haharapin ng Phone Pals ang Aces sa unang laro bandang alas-5 ng hapon, bago sasagupain naman ng Coca-Cola ang Shell Velocity sa alas-7 ng gabi. (Ulat ni MRepizo)

Show comments