"Hindi ko sila po-problemahin, ako ang po-problemahin nila," wika ng first lap winner na si Querimit na umakay sa kanyang mga kasamahan para magsumite ng pinakamabilis na oras ang Tanduay Rhum Riders sa 92.1 kilometer Team Time Trial bilang Stage Two mula sa Daraga hanggang dito sa bayang ito.
May karapatan ngang magsalita ng ganito ang national team rider na tubong Pangasinan dahil matapos isama ang individual time ng mga siklista sa kanilang pagtatapos sa naunang Legaspi-Sorsogon-Legaspi stage, si Querimit na ang overall leader.
Kaya sa 98-kms massed start Naga-Daet Stage 3 ngayon, isusuot ni Querimit ang yellow jersey.
Kinuha ni Querimit ang trangko sa huling 30-kilometro ng karera kung saan natuhog nila ang Postmen team ni Enrique Domingo para tawirin ang finish line sa bilis na dalawang oras, dalawang minuto at tatlong segundo kasama sina Ericson Obosa, Jacob Dominador, Joseph Millanes at Oscar Espiritu.
Ang Tanduay Riders ay may pinagsama-samang oras na 8:8:13.7 para sa P20,000 team trial prize kasunod ang Bowling Gold (8:12:36.2) na nagbulsa ng P10,000 at ikatlo ang EcoSavers (8:20:02.4) na may P5,000 bilang third place.
Sa team time trial, isa-isang pinakakawalan ang bawat 7-man-team na may limang minutong pagitan. Ang oras ng unang apat na rider ang siyang itatalang oras ng team ngunit sa kauna-unahang pagkakataon, ang individual time ng bawat siklista ay isasama sa overall individual standing.
Mula sa ikawalong puwesto sa Overall team standings kung saan pinaglalabanan ng P1 milyon, umakyat na sa no. 1 ang Tanduay (26:56:27.47) kasunod ang Bowling Gold na galling sa sixth place at ikatlo na ang Eco Savers na galing naman sa seventh.
Hawak na ni Querimit ang individual leadership sa kanyang oras na 6:34:48, mahigit apat na minuto ang layo sa pumapangalawa na ngayong Tour of Calabarzon champion Santi Barnachea ng Bowling Gold habang ang Stage one runner-up na si Merculio Ramos ng Samsung ay nasa third place (6:39:18).
Nakikini-kinita ni Querimit na mangingibabaw ang mga national team riders sa 15-stage-18 days race na ito na suportado ng Longines Swiss, official timer; Lipovitan, official energy drink; Accel, official outfitter at Selle Italia.