Ilang milyong may bahay na ang nagreklamo sa pagmamahal ng kanilang mga asawa sa sports, lalo na pag pinapanood ito sa telebisyon. Hindi nila maunawaan ang dedikasyong ito, kaya't maraming tinagurian "football widow" at "golf widow" sa Amerika, katumbas marahil ng dami ng "basketball widow" dito sa Pilipinas.
Malinaw ko muli itong nakita kahapon, sa pagbubukas ng Coke Light Invitational Basketball Tournament, na dati'y The Philippine Star Friendship League. Parang mga nagbabalik-tanaw ng nakaraan nilang ligawan, mahigit isang dosenang mga dating PBA, PBL at varsity player ang nagsuot ng uniporme't bumalik sa basketball court sa Meralco Gym.
Anim ang koponang lahok: unang kampeong RCBC, Sunkist, Core Automotive Resources, Inc., PLDT, Red Bull Barako at ang nag-organisang The Philippine Star.
Ang Sunkist, na nahirapan sa unang edisyon ng torneo, ay nagpalakas sa pagkuha sa dalawang pinakamatinik na import sa PBA: Bobby Parks at Norman Black. Matagal nang retirado si Black sa paglalaro, habang si Parks ay napilitang magpahinga ng isang taon matapos mapunit ang tuhod noong 2002.
Sa PLDT naman, naroroon sina Frankie Lim, Josel Angeles, Gabby Cui at consultant Bill Bayno. Pinagmamayabang naman ng Red Bull Barako sina Jojo Villapando at Kirk Collier. Sa RCBC, nagpakitang-gilas si Aldrin Morante, habang sa CAR sumali si Aldo Perez.
May mga naaliw sa ganang ipinakita ng mga naglaro, lalo na yung mga retiradong pro. Halatang wala na sa kundisyon ang karamihan, ebidensya ang mga naglalakihang mga tiyan. Mabagal na rin ang kilos, kinakalawang ang syuting. Subalit hindi na ang ganda ng laro ang kanilang hinahanap. Para bang lumalapot ang dugo ng isang manlalaro pag walang aksyon, pag di napapawisan. At iba ang sigla pag tumatakbo sa fastbreak, kahit ba maunahan ng hingal. At para sa mga hindi pro, may tuwang di mapinta dahil sa nakakatuwang pagkakataong makalaro ang kanilang mga iniidolo. Halatang ang iba'y tulala sa umpisa.
At may isa pang emosyon ang namayani, ang yabang ng isang tunay na player.
Hindi matanggap ng ilan ang pagkatalo, lalo na ang kawalan ng kakayahang gawin ang mga nagagawa nila dati. Kaya't pagsisikapan nilang bumalik sa dati, kahit imposible na sa edad nilang tinambakan na ng mga taon.
Pero ganyan ang giliw na basketbol. Kahit hirap ka na, maaakit ka pa rin.
Hindi talaga malimutan ang unang minahal.