^

PSN Palaro

Pinanganak ka bang atleta

GAME NA! - Bill Velasco -
Ang pamagat nito'y di naglalayong manlait o manghusga ng talento ng sinumang nais pumasok sa sports. Katunayan, nais kong patunayan na walang kinalaman ang genetics o ang mga magulang sa iyong maaaring madatnan sa buhay, sa sports man o sa ibang larangan.

Marami na tayong halimbawa ng mga atletang di inaakalang magtatagumpay dahil sa mga namana nilang problema sa kalusugan. Bagkus ay ginawa pa nila itong tuntungan para mas maabot ang kanilang nais sa buhay.

Si Amy Van Dyken ay may asthma, at pinayuhang matutong lumangoy para malabanan ito. Kahit na noong nasa Olympics na siya, humihigop pa rin siya ng gamot para maalpasan ang mga asthma attacks niya. Ang bunga: mga Olympic record na kagulat-gulat.

Si Michael Jordan ay di pinalad ng katangkaran, kaya't di natanggap sa kanyang high school basketball team sa Laney High School sa North Carolina.

Subalit di siya sumuko. Nagpursigi siya't humusay, kasabay ng bigla niyang pagtangkad. Alam na natin ang sumunod.

Si Michael Cooper ay lampa noong bata. Leg braces ang palagi niyang suot, at dahil sa isang aksidente, sinabi ng mga doktor na hindi na siya makakalakad ng diretso. Paglaon ay kinilala siya bilang isa sa pinakamagaling na manlalaro sa NBA, ang tanging defensive player na kinatakutan ni Larry Bird.

At ang bunga: limang NBA championship para sa Los Angeles Lakers, kasama sila Kareem Abdul-Jabbar at Magic Johnson.

Ngayong tag-araw, maraming mga magulang ang umaasang lumantad ang mga kamangha-manghang kakayahan ng kanilang mga anak sa sports. Sana. Kung magkakatotoo man ito, maganda. Pero kung hindi, huwag nating pilitin na maging idolo ng masa ang ating mga anak kung hindi nila ito kaya, at lalo na kung hindi nila hilig. Ako man ay dumaan sa asthma, scoliosis, migraine at flat feet, at sports ang naging daan para sa isang normal na buhay para sa akin.

Noong umpisa'y napilitan ako dahil walang ibang paraan para mawala ang mga sakit ko. Pero hindi ako pinilit ng mga magulang ko na manatili sa sports, at hindi ko rin pinipilit ang mga anak ko. Katunayan, ngayon lamang nag-aaral ng basketbol ang dalawa kong batang lalaki.

Hayaan nating mahinog sa panahon ang ating mga anak. Hindi hinog sa pilit na madaling nabubulok.
* * *
Kung nais ninyong makipag-ugnayan sa akin, ako'y nasa [email protected] or [email protected].

KAREEM ABDUL-JABBAR

KATUNAYAN

LANEY HIGH SCHOOL

LARRY BIRD

LOS ANGELES LAKERS

MAGIC JOHNSON

NORTH CAROLINA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with