^

PSN Palaro

Sayang ang puntos nina Menk at Alapag

THREE THROWS - AC Zaldivar -
MAGANDA din ang naging desisyon ni PBA commissioner Noli Eala na ganapin ang replay sa pagitan ng Barangay Ginebra at Talk 'N Text nang maaga kaysa hintayin pang matapos ang elimination round ng kasalukuyang Samsung All-Filipino Cup.

Kasi nga, nang hatulan ni Eala ang controversial na larong Gin Kings at Phone Pals ay may nagpanukala na gawin nga ito pagkatapos ng elims upang nang sa ganoon ay baka sakaling makatipid ng isang playdate ang PBA.

Sa ilalim ng format ng torneo, isang koponan lang kada grupo ang malalaglag pagkatapos ng 18 games at pagkatapos ay balewala na ang records ng lahat ng teams. Start from scratch, ika nga. Kung sa pagtatapos ng elims ay hindi naman malalaglag ang Ginebra at Talk 'N Text, puwede nang hindi i-replay ang laban nila at mananatili na lamang ang resulta ng kanilang sagupaan noong Marso 21, kung saan nagwagi ang Gin Kings sa double overtime, 122-117.

Ang larong iyon ay ipinrotesta ng Talk 'N Text dahil sa binalewala ng mga referees ang basket ni Paul Asi Taulava sa pagtatapos ng unang overtime period kahit pa kitang-kita na may nalalabi pang oras sa game clock.

Puwes, tapos na iyon. Nahatulan na ni Eala ang protest at ang replay ay itinakda bukas sa Araneta Coliseum.

Hindi nga naman maganda na sa dulo ng elims gawin ang replay dahil sa kung pasok na nga sa susunod na yugto ang Talk 'N Text at Ginebra ay walang kuwenta na ang magiging resulta ng kanilang sagupaan, sino pa ang manonood dito?

At kung hindi naman gaganapin ang replay sa dulo ng elims, parang balewala ang ruling ni Eala.

So, bukas ay muling magtatagpo ang Gin Kings at Phone Pals. Pero marami nang nabago sa kanilang koponan. Hindi na ganoon ang sitwasyon.

Una’y hindi na si Paul Woolpert ang coach ng Talk 'N Text kundi si Joel Banal. Pinapirma na rin nila ng kontrata ang veteran free agent na si Noli Locscin. Nakabalik na rin sa active duty si Victor Pablo na nagtamo ng calf injury.

Sa panig naman ng Gin Kings ay lalaro si Rommel Adducul na noong Marso 21 ay hindi nakapaglaro dahil sa graduation niya sa San Sebastian College. Lalaro din sa Gin Kings si Ernesto Ballesteros na nakuha nila buhat sa Coca-Cola Tigers.

Ang nakapanghihinayang nga lang sa pagkakabalewala ng resulta ng laro noong Marso 21 ay ang pangyayaring hindi maibibilang sa record books ang itinalang puntos nina Eric Menk at Jimmy Alapag. Sa larong iyon kasi ay nagtala ang dalawa ng 45 puntos. Aba’y bihira sa All-Filipino conference na dalawang manlalaro sa magkalabang koponan ang umiskor ng 40 puntos o higit pa. Puwede itong mangyari sa mga conferences na may imports pero mahirap sa All-Filipino.

Sa tutoo lang, malamang na hindi na ito maulit pa.

Sayang talaga. pero ganoon talaga ang talbog ng bola sa PBA, e.
* * *
BELATED birthday greetings sa aking bunsong si Ivan Zaldivar na nagdiwang ng kanyang unang kaarawan noong Sabado, Abril 19.

ALL-FILIPINO

ARANETA COLISEUM

BARANGAY GINEBRA

COCA-COLA TIGERS

EALA

GIN KINGS

MARSO

N TEXT

PHONE PALS

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with