Pinamunuan ni Gary David na nagtala ng 19 puntos at 5 rebounds ang Jewelers na kinontrol ang laban para makatabla ang walang laro na Viva- Mineral Water sa Vis-Min group sa kanilang magkatulad na 2-3 baraha.
Nalasap naman ng ICTSI Archers ang kanilang ikatlong kabiguan sa limang laro.
Impresibo at nakakagulat ang naging laro ng Montana nang dominahin nila ang boards, 40-30, at umani ng 12 points sa offensive rebounds at isa pang 12 puntos sa fast-breaks upang kunin ang 14-7 abante sa kaagahan ng laro at mula dito ay hindi na muling lumingon pa.
Lumamang pa sila ng hanggang 11 puntos, 52-41, may 8:54 pa ang nalalabing oras sa final period.
Dito nagsimulang magrally ang ICTSI. Pinamunuan ni Edrick Ferrer na nagtala ng 18 puntos kabilang na ang anim na triples at naging mainit pa sa kanilang 14-4 rally habang isang basket ni Mark Cardona at mabilis na follow-up ni Manny Ramos ang nagbaba sa bentahe sa 55-56, may 2:03 ang nalalabi.
Kumana ng three-point shot si David na nagpatanggal ng pressure sa Jewelers, 59-55 ngunit nag-split ang charity ni Ramos sa foul ni Marlon Basco ang nagpanatili ng tsansa sa ICTSI Archers na nakadikit sa 56-59, may 42.2 segundo naman ang nalalabi.
Ngunit lalong inalat ang ICTSI sa sumunod na play. Nagmintis ang krusiyal na pagtatangka ni Cardona habang isang traveling violation ang isinagawa ni Joachim Thoss na nagbigay muli sa posesyon sa Montana sa final 40.6 segundo na labanan.
Nakawala pa ang bola sa sa kamay ni Thoss matapos makuha ang rebound para manatili ang laro sa Montana.
Kumana ng 15 puntos si Ramos at isang block habang sina Cardona at Dacia ay nag-ambag naman ng 10 at 9 puntos ayon sa pagkakasunod.