Pinoy sa abroad, sports ang hanap

Mahirap talaga ang buhay, at para sa milyun-milyong mga kababayan natin. Napipilitan silang mag-ibang-bansa para lang maghanap-buhay. Mahirap ang mawalay sa pamilya, pero mas mahirap siguro ang araw-araw na hanapin ang mga bagay na palagi mong nakikita’t nararanasan lamang sa sarili mong bayan.

Marami sa kanila ang nakakaraos sa pagpapanood ng cable television, lalo na ng The Filipino Channel, na pawang mga programa ng ABS-CBN dito sa Pilipinas. Pero may kulang pa rin.

Noong kasagsagan ng UAAP Finals ng Ateneo de Manila at De La Salle University, libu-libo ang tumawag upang hilinging mapanood ito sa Amerika’t Saudi, kahit ba madaling araw itong makikita ng live. Diyan nakutuban ng ABS-CBN na may pwedeng minahing ginto sa mga manonood.

"In a lot of informal surveys, Filipinos overseas said they really wanted sports," sabi ni Jeff Remigio, namumuno sa International Communications para sa ABS-CBN Global. Dahil dito, gumawa ng hakbang ang network para ibigay ang hilig ng mga nangungulilang mga Pinoy.

Noong Biyernes, pormal na inilunsad ang Pinoy CentralTV, bagong cable channel na nagbibigay ng sports sa mga manonood nito sa North America at Middle East. Maraming naipon ditong mga programa, lalo na sa sports.

Mapapanood ang PBA Games, mga PBA Classics, UAAP, NCAA, Fistorama (boxing), Speed (car racing), at The Basketball Show. At dahil ito ang mga programang hinahanap ng maraming kababayan natin sa ibang bansa, ipinalalabas ang mga ito sa primetime, pagkatapos ng TV Patrol.

Noong Pebrero, ipinalabas ng libre ang PinoyCentralTV bilang patikim. Ngayong Abril, kinakailangan nang magbayad ang mga subscriber ng mahigit $20 kada-buwan para makuha ito ng 24 oras araw-araw. Sulit naman, kung tutuusin.

Patunay na lamang ito na kahit saan magtungo, sports pa rin ang numero uno sa Pilipino.

Show comments