Naranasan ko ito nang ako'y magpunta sa Amerika noong nakaraang Enero. Kahit saang airport kami magpunta, lahat ng mga maiitim ang balat at balbon at pinaghihintay, binubulatlat ang gamit, at dalawang ulit dinadaan ang mga maleta sa x-ray machine.
Dito sa Pilipinas, marami rin tayong nakuhang masamang ugali, lalo na sa pakikipag-ugnayan sa mga ibang lahi. Ang mga mapuputi ay sinisigawan ng "Hey, Joe!" Ang mga maiitim naman ay binabato ng kung anu-anong masasakit na pangalan. Maging ang mga Filipino-Indian ay binansagan ng kung anu-ano, mula sa "bumbay" at "5-6," na hindi naman talaga kanais-nais.
Subalit, sa larangan ng basketbol, maipagmamalaki ng Filipino-Indian Community ang isang napakagandang liga na manunumbalik sa eksena ngayong araw. Sa Makati Coliseum, magbubukas muli ang FIBL o Filipino-Indian Basketball League, na pinatatakbo ni commissioner Dilip Budhrani.
"Gusto naming ipakita ang ganda rin ng kultura ng Filipino-Indian, at pagandahin ang samahan ng mga kababayan natin," bungad ni Budhrani, na dati'y isang road race organizer. "Noong nakaraang taon, wala kami masyadong player, kaya hindi natuloy ang liga. Pero ngayon, marami kaming sorpresa."
Kasama na rito ang mga coach ng apat na koponan. Si 7-time PBA Best Import Bobby Parks ang coach ng Bagong koponang Titans, na pagbibidahan ni Khomar Khanshroff, isang PBA Draft applicant na hindi natanggap. Si Jing Ruiz, na dati'y Shell Turbocharger, ang namumuno naman sa defending champion na Knights. Kasama ang dating taga-Barangay Ginebra na si Mike Advani bilang coach ng Hoop It Up Kings, at Archie Pico, na nagpapatakbo ng Bombay Bombers.
"May binabalak pa kaming programang tunay na kakaiba, parang isang off-Broadway show para sa aming awarding," pahayag ni Budhrani. Balita ng Pilipino Star Ngayon may mga sikat na artistang magtatanghal dito.
Ang FIBL ay maglalaro ng sampung Linggo sa Makati Coliseum.