Nanalo si Kiamco sa lag ngunit natalo ng apat sa unang limang racks sanhi ng kanyang pagkatalo sa laban kontra sa Taiwanese na tumalo sa kanya sa Asian Games 9-Ball final sa Busan.
Nanatili ang supremidad ng 24-gulang na si Yang, world no. 7 na naglalaro din ng golf at chess, matapos hatakin ang 11-7 panalo para sa championship at ang $10,000 prize sa two-day single knock-out tournament na magsisimula ng five-leg Asian series na hatid ng ESPN at Star Sports.
Sa katunayan ay nagsagawa ng rally si Kiamco, ranked no. 8 ngunit wild card entry lamang ito, mula sa 3-9 deficit ngunit nakalapit lamang sa 7-9 nang tuluyang masira ang laro ng Pinoy sa 17th rack na nagbigay daan para makarekober si Yang at ibulsa ang isa na namang titulo.
Nagkasya lamang si Kiamco sa $5,000 premyo.
"May tsansa sana kung nakuha ko iyong 17th. Kaya lang na-miss ko iyung isang crucial shot," sabi naman ni Kiamco.
Halos abot kamay na ni Kiamco ang panalo nang maipasok ng 32-gulang na Filipino player ang 3-ball sa mahirap na bank shot sa right corner pocket na pinalakpakan ng mga manonood sa Pool Haven venue.
Ngunit hindi natantsang mabuti ni Kiamco ang kanyang preparasyon para sa 7-ball kayat napuwersa itong mag-safety shot na nagawa namang ipasok ni Yang at naging madali na ang tira para sa 8 at 9-ball para sa 10-7 kalamangan.
Naging climatic pa ang ending ni Yang sa match nang kanyang ipasok ang 9-ball mula sa break sa 18th rack.
Sinabi ni Yang na third placer sa World Pool Championship sa Cardiff, Wales noong nakaraang taon na suwerte lamang siya at hindi niya nakala-ban sina Efren Bata Reyes at Francisco Bustamante sa torneo na kinokonsidera niyang mabibigat na kalaban.