"Di ko pa siya nakita o napanood sa mismong laban kaya medyo mabigat ang laban" ani Pacquiao ukol sa kanyang kalaban na si Serikzhan Yesmangbetov ng Kazakhstan sa 10 round non-title bout sa Luneta Grandstand sa Sabado.
Panauhin si Pacquiao sa PSA Forum kahapon sa Manila Pavillion kasama sina Jun Sarreal at business manager Rod Nazario.
"Si Manny naman maski sino ang kalaban, ang ensayo niya parang world championship din," ani Nazario sa Forum na sponsored ng Agfa Colors at Red Bull.
Ang record ni Yesmangbetov ay 13 wins kabilang ang walong knockouts, at nine losses na malayo sa 35 wins (27 KOs) at two losses ni Pacquiao pero mapanganib pa rin ito ayon sa Pinoy. "Kumpleto po siya at malakas ang suntok."
Ang laban na ito na naggagarantiya kay Pacquiao ng P2.5 milyon, ay ang kanyang unang match matapos idepensa ang kanyang titulo sa ikalawang pagkakataon kontra kay Fahprakorb Rakkiatgym sa Davao noong October.
Manalo-talo ay may mandatory defense ang Filipino champion sa darating na Oktubre o matatanggalan ito ng korona kung hindi siya lalaban.
Bagamat wala pang naka-schedule na kalaban at kung saan gaganapin sinabi ni Nazario na posibleng isa kina Johnny Tapia o Paulie Ayala ang kakalaban.
"Sa ngayon, `yung dalawa (Tapia and Ayala) ang matunog pero hindi pa rin sigurado," ani Nazario. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)