PDEA at PBA nagpirmahan

Nagkasundo ang mga opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine Basketball Association sa isang memorandum of agreement upang sumailalim ang lahat ng professional player sa isang sorpresang drug test.

Nagpirmahan kahapon sina PDEA Director General Undersecretary Anselmo Avenido at PBA commissioner Atty. Noli Eala sa naturang MOA para matukoy agad at malinis ang liga sa paggamit ng ipinagbabawal na droga.

Ang naturang kasunduan ay nabuo matapos na matuklasang may bahid ng marijuana sina Paul Asi Taulava ng Talk N Text at Dorian Peña ng San Miguel na nakita sa kanilang urine sample para sa hepatitis test na isinasagawa ng PBA bago magsimula ang season.

Nabigyan na rin ng parusa sina Taulava at Peña ng dalawang larong suspensiyon ng PBA at multa rin sa kanilang mga mother teams.

Bagamat nabigyan na sila ng lisensiya ng GAB, kailangang sumailalim ang dalawang cager sa rehabilitation counselling na siyang ipinatutupad ng GAB.

Sinabi ni Eala na magiging regular ang biglaang drug test at isasagawa bago magsimula ang laro ngunit walang eksaktong araw para hindi mapaghandaan ng mga players at agad na matukoy kung sino ang gumagamit ng ipinagbabawal na droga at sino ang hindi. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments