Mula sa two-game suspension, sumabak sa aksiyon si Taulava sa pagtatala ng 15-puntos at 17-rebounds para sa buwenamanong panalo ng Phone Pals na natalo sa kanilang unang dalawang laro.
Tumapos naman sina Bong Ravena at rookie Jimmy Alapag ng 21 at 20 puntos, ayon sa pagkakasunod upang pamunuan ang Talk N Text na makabangon mula sa 16 puntos na pagkakabaon.
Unti-unting nakabangon ang Talk N Text sa 35-19 pagkakahuli nang kanila itong pinagsikapan sa ikatlong quarter at pagdating sa final canto ay naging dikitan ang labanan.
Huling nahawakan ng San Miguel ang kalamangan sa 79-76 nang maitabla ni Taulava ang iskor sa pamamagitan ng kanyang dalawang tres at ang kanyang split shot mula sa foul ni Peña na nagbigay sa Phone Pals ng 80-79 bentahe, 30 segundo na lamang.
Naagawan naman ni Alapag si Boybits Victoria at nahugutan niya ito ng foul para sa kanyang split shot bilang final score, 16.1 segundo pa ang natirang oras para sa posesyon ng Beermen.
May pagkakataon sana ang San Miguel na dalhin sa overtime ang laro, ngunit napalakas ang jumper ni Racela at alisto namang na-rebound ni Ravena ang bola hang-gang sa tumunog ang game buzzer.
Sa ikalawang laro, hindi hinayaan ng Alaska Aces na makahulagpos ang Shell Velocity para mapanatili ang kanilang malinis na record sa pamamagitan ng 85-80 tagumpay.
Namuno para sa Aces si John Arigo na may 18 puntos habang nagambag ng tig-15 puntos sina Mike Cortez at Don Allado.
Nagtangkang maghabol ang Shell nang magpakawala sila ng tatlong sunod na tres, dalawang kay Anthony Dela Cruz at isa naman mula kay Chris Calagiuo para ilapit ang iskor sa 77-80, ngunit hanggang doon na lang kanilang nakayanan.