"Unang-una, ang Purefoods yata ang pinakamatangkad na team ngayon. Biruin mong mayroon silang Andy Seigle, Kerby Raymundo, Chris Cantonjos at Billy Mamaril. Kahit paano ay maaasahan pa rin naman sa ilalim sina Rey Evangelista at Alvin Patrimonio. Dehado kami kung palakihan ng tao ang pag-uusapan," ani Coca-Cola Coach Vincent "Cho" Reyes.
Pero kahit paano naman ay may maitatapat si Reyes sa mga higante ng Purefoods. Hindi naman magpapahuli ang mga tulad nina Raffi Reavis, Rudy Hatfield, Edward Juinio at baguhang si Reynell Hugnatan.
Si Hatfield ang pangunahing rebounder ng Tigers at nag-average siya ng 12.5 boards sa una niyang dalawang laro sa kasalukuyang All-Filipino Cup. Segunda si Reavis na may walong rebounds na sinundan ni Jeffrey Cariaso na may anim, Hugnatan at Juinio na may tig-5.5 kada laro.
Ang sistey sinasabi ni Reyes na ang kanilang pangunahing sandata ay ang kanilang energy. Ito ang siyang ginamit nila upang magtagumpay kontra sa San Miguel Beer (72-67) at Shell Turbo Chargers (103-92). Kumbagay masasabing hyper ang Tigers sa hardcourt.
Kapag humupa ang kanilang energy at napagod na sila, malamang na hindi na sila makasabay sa kanilang kalaban na normal ang laro dahil sa tangkad. At iyon diumano ang problema ng Tigers kapag naglalaro sila sa isang gym na hindi air-conditioned.
Hindi nga naman air-conditioned ang San Agustin Gym sa Iloilo City na siyang venue ng paghaharap ng Coca-Cola at Purefoods. Mainit. Madaling mapapagod ang Tigers batay sa klase ng kanilang laro.
"Yun talaga ang main concern ko sa larong ito, eh," ani Reyes. "Pero pareho lang naman kami ng Purefoods na maiinitan so titingnan ko rin kung hanggang saan tatagal ang kanilang energy. Puwede rin naman silang maapektuhan niyan,eh. "
Sa tutoo lang, ang paglalaro ng out-of-town games ay malaking sakripisyo para sa mga PBA teams at sa PBA na rin mismo. Biruin mong bibiyahe pa sila nang mas maaga. Kailangang makarating sila sa probinsiyang pagdarausan ng laro nang dalawang araw na mas maaga. Malalayo ang mga manlalaro sa kanilang pamilya. Isa na iyon sa mga sakripisyo.
Kaya lang, kailangan din namang magkaroon ng mga out-of-town games upang mailapit nang husto ang mga PBA teams at players sa mga fans na patuloy namang tumatangkilik sa kanila. Kung wala ang suporta ng mga fans, eh di wala rin ang PBA. Wala ring mapapala ang mga kumpanyang kalahok sa liga. At kung wala ang mga kumpanyang ito, wala rin ang mga manlalaro.
Kumbagay kailangan lang na ibalik ng PBA sa mga fans ang suportang natatanggap nila.
Maliit na sakripisyo ang paglalaro sa out-of-town games kumpara sa mga benepisyong nakukuhang kapalit ng PBA.