Ang unang laban ay sa Makati Coliseum kung saan maghaharap ang Challenge Cup champion Welcoat Paints at runner-up Hapee Toothpaste bukas, alas-3 ng hapon na agad susundan ng bakbakan ng RP National Pool kontra naman sa Montana Jewels sa alas-5 ng hapon.
Ang susunod na aksiyon ay lilipat sa San Juan Gym sa Marso 10 kung saan magtatagpo naman ang Nationals at Blu Star Detergent sa alas-5 ng hapon pagkatapos ng sagupaan ng Viva Mineral Water at ICTSI sa alas-3 ng hapon.
Ang PBL Outreach Tour ay tutungo naman sa University of Assumption sa Pampanga sa Marso 11, kung saan makakaharap ng Nationals ang mga beteranong PBA players ng SMC All-Stars North na pinamamahalaan ni coach Eric Altamirano sa alas-5 ng hapon pagkatapos ng bakbakan ng Nutrilicious at John O sa alas-3 ng hapon.
Dadako naman ang Tour sa unang pagkakataon sa Nene Aguilar Sports Complex sa Las Piñas sa Marso 13 at magkikita ang RP Nationals at Nutrilicious sa alas-5 ng hapon pagkatapos ng duwelo ng Welcoat Paints at LBC-Batangas sa alas-3 ng hapon.
At ang pinal na bakbakan ay ang pagkikita ng John O kontra sa SMC All-Star South sa alas-3 ng hapon na susundan ng engkuwentro ng Ateneo Blue Eagles at Viva Mineral Water sa Moro Lorenzo gym.
At malamang na ito na ang huling pagbabatayan ni RP coach Aric del Rosario sa pagpili ng 12-man National team na nakatakdang lumahok sa tatlong international competitions ngayong taon kasama na ang Vietnam SEAG.