Humakot ang mga atleta mula sa Marcos country ng apat mula sa anim na gintong medalya na pinaglabanan, kabilang ang record breaking throw ng shot putter na si Hanna Erika Sia upang maagang kunin ang pangunguna para sa karera ng padamihan ng ginto.
Winalis rin ng Ilocos Norte ang apat na throwing competition, bagamat dinomina ng La Union ang dalawang running events.
Winasak ni Sia, nagwagi ng ginto noong nakaraang taong Palarong Pambansa ang dati ng record na 9.70 metro na naiposte niya mismo noong nakaraang taon nang pumukol ito ng bagong meet record na 10.23 metro na kanyang naikamada sa ikatlong pagbato.
Nakopo ni Memory Lyn Sumang ng Pangasinan II ang silver sa kanyang 8.36 metro, habang ang bronze ay napasakamay naman ni Cyrell Mae Eluis ng Pangasinan.
Hindi rin nagpahuli si Mark Rafael Ramos nang kanyang dominahin ang secondary (boy) division ng nasabi ring event sa itinalang 10.26 dis-tansiya para kunin ang unang puwesto, habang bumagsak naman sa ikalawang puwesto si Franz Bonago ng Pangasinan II na mayroong 10.04 at Eric Garcia ng San Carlos City na nakuntento lamang sa bronze sa kanyang 9.28.
Nauna rito, ibinigay naman nina Angelyn Mangonteng at Michell Kate Corpuz sa Ilocos Norte ang gold-silver finish sa elementary (girls) category sa shot put event nang ang 12-anyos at grade 6 pupil ng Rayuray Elementray School sa Batac na si Mangonteng ay bumato ng distansiyang 8.61 metro na sapat na para sa kanyang ginto habang ang teammate na si Corpuz ay mayroong 7.70m.
Si Ma. Teresa Caaya ng Pangasinan ang nanalo ng bronze sa kanyang itinalang 7.58 distansiya.