"First quarter, tinamaan ako, akala ko wala lang," salaysay ni Johnny Abarrientos. "Third quarter, naulit, mas malakas. Nung tumawag ng timeout si coach, iba na yung pakiramdam ko, parang nagsasara yung mata ko."
"Johnny was having the game of his life when it happened," gunita ni Tigers coach Chot Reyes. "The odds are one in a million that you would get hit in the same place twice in one game."
Gumawa ng personal na rekord si Abarrientos noong gabing iyon, unang laro ng All-Filipino Cup Finals: 20 puntos, sa 17 minuto. Bagamat hindi masama ang pakiramdam niya sa pangangatawan, tuwing nalulubak yung sasakyan niya, parang lumulubog yung mukha niya. Subalit walang lumitaw sa x-ray.
Subalit sa isang CT scan, nakita ang basag-basag na buto sa kanyang kanang pisngi, paligid ng mata, at tabi ng kanyang ilong. Muntik na ring madamay ang kanyang mata.
"Noong una, hindi ko matanggap," inamin ni Abarrientos. "In eleven years in the PBA, pinakamalala ko na yung MCL (medial collateral ligament tear) at slight sprains. Muntik na akong sumuko. Kung hindi ako Kristiyano, umayaw na ako."
Bagamat halos ganoon din ang nangyari minsan kay Hakeem Olajuwon nang masiko siya sa gilid ng mata ni Bill Cartwright ng Chicago Bulls, mas masama ang kundisyon ni Johnny. Kinailangang talupan ang kanyang mukha para ilantad ang basag na bungo. At nawala rin ang pakiramdam sa ibang bahagi ng kanyang mukha.
"Maraming pinagagawang facial movements yung doktor," paliwanag ng dating FEU Tamaraw. "Pinatatawa ako, pinapanganga, at dalawang beses sa isang araw kung imasahe ko ang mukha ko. Pero may nangingitim pa sa may mata, kaya makikita mong hindi pa tapos."
Nangangailangang magsuot muna ng maskara si Abarrientos bilang proteksyon.
At dahil nasa injured list siya, limang laro ang di niya malalaruan. Subalit bakat sa isipan niya ang nakakatakot na pangyayari.
"Johnny has to get over the psychological hump," dagdag ni Reyes. "But take your time. You know what you mean to this team. We want you back, but we want you back at 100 percent."
"Baka hindi ko pa panahon para tumigil," pagmumuni-muni ni Johnny. Kahit masaya ako na nag-champion kami, wala ako doon. Hindi ko natanggap yung trophy. Ibig sabihin, meron pa akong trabahong dapat gawin."