Iyan ang ipinahayag ni Shell coach Perry Ronquillo matapos na talunin ng Turbo Chargers ang Talk N Text Phone Pals, 77-74 noong Miyerkules sa una nilang laro sa PBA All-Filipino Cup.
Kasi nga, marami ang nagsabing dapat ay kumuha ng isang dominant big man ang Shell Velocity sa nakaraang Draft dahil sa iyon ang talagang kailangan nila lalo pat nagretiro na si Benjie Paras. Hindi nga nila napakinabangan si Paras sa nagdaang dalawang seasons dahil sa parati itong injured. Kaya naman hindi nakaarangkada ang Turbo Chargers.
Subalit sa halip na isang dominant big man ang kunin ng Shell ay pinili ni Ronquillo bilang No. 3 si Eddie Laure, isang 64 forward. Sa second round na kumuha ng sentro si Ronquillo sa katauhan ni Adonis Sta. Maria. Bukod sa dalawang ito ay kinuha din ng Shell Velocity ang high-leaper na si Ronald Tubid. Pinapirma ng Turbo Chargers ng kontrata ang tatlong ito.
Sa tutoo lang, okay din naman ang pagkakakuha ng Turbo Chargers kay Laure dahil sa sinabi ni Ronquillo na ito ang pinaka-talented player pound for pound sa Draft. Pinatunayan iyon ni Laure noong Miyerkules. Abay pagpasok pa lang niya sa kalagitnaan ng first quarter ay instant offense na ang ibinigay niya sa kanyang koponan. Nagtapos siya nang may 19 puntos, sampung rebounds at isang supalpal sa 30 minutong paglalaro.
Gaya ng dati, si Chris Jackson pa rin ang nanguna sa rebounds para sa Turbo Chargers nang makakuha siya ng 20 rebounds bukod pa sa taltong puntos, limang assists at dalawang steals sa 42 minuto.
Si Sta. Maria, isang 65 sentro buhat sa La Salle, ay mayroon lamang tatlong rebounds bukod sa dalawang assists sa 15 minuto. Hindi na rin masama iyon at umaasa si Ronquillo na magi-improve pa ang rookie na ito.
Si Tubid ay nagtala naman ng 11 puntos, tatlong rebounds, dalawang assists at isang steal sa 14 minuto. Kung pagbabasehan ang playing time at ang mga numerong naitala, mas matindi ang naging performance ni Tubid.
Kaya naman may katwiran si Ronquillo na sabihing hindi importante ang tangkad para sa kanyang koponan. Ang importante ay ang puso ng kanyang mga manlalaro.
"Ang sandata namin ay bilis. Iyan ang gagamitin namin sa buong season," ani Ronquillo.
Pero siyempre, kahit paano ay hindi pa rin puwedeng gamiting basehan ang resulta ng unang laro ng Shell Velocity upang sabihing malayo ang mararating nila sa season na ito. Kasi nga, kontra Talk N Text ay hindi naman nakaharap ng Turbo Chargers ang 1-2 punch ng Phone Pals na sina Paul Asi Taulava at Victor Pablo. Si Taulava ay suspindido ng dalawang laro dahil sa may natagpuang bahid ng marijuana sa kanyang sistema. Si Pablo ay may injured calf.
Kung naglaro ang dalawang ito, malamang sa nahirapan ang Shell sa rebounds. At kung hindi nila makukuha ang rebounds, hindi sila makakatakbo dahil wala silang bola!
Ang sa akin ay makakatakbo lang ang isang team kung may bola ito. Kung walang bola, anong itatakbo ng team?