Haharurot ang Fedex

HANGGANG ngayon ay marami pa rin ang hindi makapaniwalang nakuha ng FedEx Express si John Ferriols na siyang kauna-unahang Most Valuable Player awardee ng defunct Metropolitan Basketball Association.

Biruin mo nga namang sa second round pa nadampot si Ferriols at bale pang-12 player siyang kinuha sa Draft.

Eh kung tutuusin mo’y ka-level naman niya sina Romel Adducul at Eddie Laure na kapwa rin nagwagi bilang MVP sa MBA. Si Adducul ang No. 2 pick at kinuha ng Barangay Ginebra. Si Laure ay No. 3 pick at kinuha naman ng Shell Velocity.

Sa tutoo lang, mayroong mga na-excite nang natapos ang first round at hindi nakuha si Ferriols. Kasi, naisip ng iba na may posibilidad na magsama sina Ferriols at Adducul sa Barangay Ginebra na siyang may hawak ng No. 11 pick. Pero sa halip ay kinuha ng Gin Kings si Sunday Salvacion.

Kaya naman siguro natuwa ang FedEx dahil available pa nga si Ferriols sa No. 12. Nakakuha tuloy sila ng isa pang big man na makakatulong sa batam-batang si Yancy de Ocampo at sa beteranong si Jerry Codiñera. Suwerte na iyon dahil nga sa second round na nagsimulang mamili ang FedEx ay may nadampot pa silang dating MBA MVP.

At nagulat na lang ang lahat nang pumirma ng three-year contract si Ferriols na mas maganda kaysa sa pinirmahan nina Adducul, Laure at ng top pick na si Mike Cortez ng Alaska Milk. Historic iyon dahil second rounder si Ferriols. Walang second rounder na nakakuha ng ganitong klaseng kontrata sa kasaysayan ng PBA!

Puwes, tapos na ang Draft. Tapos na ang ensayo. Tapos na ang paghahanda.

Ipapakita ni Ferriols na karapat-dapat nga siyang bayaran nang ganoong kalaki ng FedEx. At sa paggawa nito’y ipapakita din niya sa ibang teams na nagkamali sila sa pagpapalampas sa kanya.

Sa pagpasok ni Ferriols sa FedEx ay tumatag ang tropa ni coach Derick Pumaren. At bukod sa kanila nina de Ocampo at Codiñera ay nakakuha pa ang Express ng dalawang mala-laking manlalaro nang libre buhat sa Sta. Lucia Realty. Nakuha nila sina Omanzie Rodriguez at Marvin Ortiguerra. Nandoon pa rin sa line-up ng Express si Ryan Bernardo na talaga na-mang nag-improve nang todo-todo.

Maaring nagretiro na si Dindo Pumaren subalit kaya naman ni Wynne Arboleda na asikasuhin ang backcourt. At siyempre, nandiyan ang kanilang main man na si Vergel Meneses na noong isang taon ay natulungan ni Ren-Ren Ritualo. Ngayon ay madadagdagan ang kanyang katuwang sa katauhan ni Roger Yap na libre ring nakuha sa Purefoods.

May feeling ako na haharurot na ang FedEx ngayon.

Show comments