Ipinaubaya ng Technical Committee ng Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission (PSC) sa mga NSAs ang pagbibigay ng criteria sa isasagawang qualifying events para sa kanilang irerekomendang atleta sa pambansang koponan.
Maaaring irekomenda ng NSAs hindi lamang ang mga atletang may potensiyal na maka-silver o gold sa Vietnam kundi maaari din nilang bigyan ng pagkakataon ang mga atletang may potensiyal sa 2005 SEAG na gaganapin dito sa bansa.
"We kept on emphasizing to the NSAs that they should be honest enough in their recommendations," pahayag ni POC Chairman Steve Hontiveros.
Dati-rati pinagbabasehan ang nakaraang performance ng mga atleta sa SEAG para makasama sa national team bukod pa sa qualifying events.
Isa-isang pupulungin ng POC ang mga NSA simula sa Pebrero 26 hanggang Marso 10 upang makakuha ng impormasyon.
Inaasahan ng POC na imaibibigay sa kanila ng mga NSA ang kanilang training schedules, budget, athletes line-up at ang mga events na sasalihan.
Ipinaliwanag ni Hontiveros na kailangang nasa Southeast Asian Games standard ang ipapasang criteria ng mga NSAs.
Ang bansa ay lalahok sa 28 mula sa 34 events kung saan may pag-asa sa 408 mula sa 439 golds na paglalabanan sa Vietnam Games kung saan ang mga events ay gaganapin sa Hanoi at Ho Chi Min. (Ulat ni Carmela Ochoa)