Parang maamong tupa, humingi ang International Boxing Federation super bantamweight champion ng paumanhin sa pamunuan ng PSA bunga ng hindi niya pagsipot sa nakaraang 2002 PSA Annual Awards Night noong Enero 10.
Napabalitang naglaro ng bilyar ang 23-anyos na si Pacquiao sa General Santos City habang ginaganap ang Awards Night na naghalal sa kanya bilang 2002 Sportsman of the Year at kay equestrianne Mikee Cojuangco-Jaworski bilang 2002 PSA Sportswoman of the Year.
"Humihingi po ako ng tawad sa inyo sa hindi ko pagdalo sa PSA (Awards Night)," ang pakumbabang loob ni Pacquiao. "Sumakit kasi ang tiyan ko pagkatapos kong magpunta sa isang party. Hindi talaga ako makatayo at makakilos."
Ngunit ayon sa balita, nagpatalo umano ang kaliweteng si Pacquiao ng P180,000 sa bilyar.
Ayon sa isang source, pinakiusapan ni International boxing promoter Gabriel Bebot Elorde Jr., si PSA president Bert Cuevas ng Manila Standard upang patawarin si Pacquiao.
Halagang P500,000 na umano ang nailabas ni Elorde bilang promoter para sa isang 10-round non-title fight ni Pacquiao laban kay Kazakhstan featherweight titlist Serikzhan Yeshmagambetov na nakatakda sa Marso 15 sa Luneta.
Isang negosasyon ang ginawa ni business manager Rod Nazario sa mga tropa nina Marco Antonio Barrera at Paulie Ayala para sa isang posibleng championship fight sa Mayo.
"Manny has to win this fight dahil may negotiation akong ginagawa ngayon for a possible title fight with either Marco Barrera or Paulie Ayala," wika naman ni Nazario hinggil sa laban ni Pacquiao kay Yeshmagambetov.
Si Pacquiao ay mayroong 35 panalo, dalawang talo at 1 draw na kinapapalooban ng 26 knockouts laban sa 13-8-6 record naman ng Kazakhs fighter na isang dating parking lot attendant.
"Gagawin ko po ang lahat para manalo, lalo na para sa ating mga kababayan," ani Pacquiao.(Ulat ni Beth Repizo)