Sinimulan na ang pagsasaayos ng race manual at kasalukuyan nang sinasanay ang kanilang mga staff at regular ang pagsasagawa ng survey sa rutang dadaanan ng karera na magsisimula ng revival ng annual cycling sa bansa.
"Gusto naming masiguro na walang magiging problema pagdating sa karera kaya puspusan ang preparasyon namin. Hindi lang mga siklista ang mga naghahanda kundi kami rin," pahayag ni Paquito Rivas, ang dating cycling champion at presidente ng PNCA na dating kilala bilang Professional Cycling Association of the Philippines.
Maagang nagsagawa ang grupo ni Rivas ng tatlong route surveys at plano nilang balikan ang mga ruta ng ilang beses pa upang matiyak na maaayos ang mga kalsada na dadaanan ng karera na masisimula sa Abril 24.
"Meron kasing mga daan na baka biglang ayusin, o kaya biglang masira. Kailangan, bago ang karera, malaman namin yun para kung kailangang mag-detour, maaayos namin yung bagong ruta," dagdag ni Rivas.
Magkakaroon din ng race manual na gagamitin ng 84 riders at 12 teams na lalahok sa karera.
Ang rule, penalties at description ng route topography ay kasama sa manual.
Malapit na ring ma-finalize ng PNCA na nag-atas sa Airfreight 2100 na mangasiwa ng karera, ang kanilang rule book at ayon kay Rivas ay nagsimula na rin ang training ng mga staff para sa karera.
"Mahirap nang pumalpak kasi malaki ang tiwala sa atin ng mga organizers. Minsan lang may maglakas ng loob na suportahan ang cycling at ayaw natin mapahiya sa kanila," ani Rivas na tinutukoy si Airfreight 2100 chairman Bert Lina at president Lito Alvarez na nagbigay ng kanilang buong suporta sa karera gayundin sa naturang sport.