Ibang klase talaga ang Welcoat

Ang aming pagbati sa Welcoat team na nag-champion na naman sa PBL!

3-0 ang score sa kanilang best-of-five PBL Finals.

Inabot ng madaling araw ang selebrasyon nila sa Gerry’s Grill sa Libis at napakasaya nilang lahat kabilang na ang mga diehard Welcoat fanatics!

Tuwang-tuwa sina team owners Mommy Margaret Yu, Tony Yu, Raymond Yu at Terry Que, team manager Albert de Jesus at assistant team manager Boy Lapid sa pagkakakopo na naman nila ng PBL championship. Wala na ring mas tutuwa pa sa bago nilang coach na si Leo Austria, pati na rin ang mga nasa coaching staff na sina Jay Legacion, Carlos Garcia at si Samboy Lim!

Ibang klase talaga ang Welcoat kapag gumawa ng team.

Di Maaaring hindi mag-champion!

Sa buong Welcoat team, congratulations at mabuhay kayong lahat!
* * *
Nanood ang photographer na si Tony Lu sa exhibition game ng Purefoods at FedEx sa Marikina gym nung Linggo. Libre yun mula sa PBA kaya naman grabe talaga ang siksikan ng tao.

Pero may tampo si Tony Lu.

Hindi man lang daw siya binigyan ng mineral water ng mga taga-PBA kahit na nagsabi na siyang uhaw na uhaw na siya habang click siya ng click ng kanyang kamera.

Si Tony Lu ay isa sa mga photographers na kahit paano ay nakakatulong sa PBA noon pa man.

Baka naman nakakalimot na naman ang mga taga-PBA na pahalagahan kahit paano ang mga taong tumutulong sa kanila kahit sa maliit na paraan.

Ang pag-offer ng sandwhich o mineral water man lang sa mga press people ay isa sa mga bagay na maaaring muling magpakita na ang mga taga-PBA ay may puso at marunong makisama kahit kanino, hindi lang dun sa mga sumisipsip sa kanila.

Kitang-kita raw ni Tony Lu kung paanong nagkasobra-sobra ang mga sandwhiches at tubig para doon sa mga taga-PBA. "Ano ba yung tinapunan man lang ako kahit kaunti, masaya na ko nun. Maa-appreciate ko na yun," sabi ni Tony.

At saan naka-inom si Tony?

Sa bench ng Purefoods.

Pero sabi naman ni katotong Barry Pascua na nag-cover din nung laro, sila naman daw na nandun sa press seats eh napakain ng sandwhich at softdrinks.

Tanong ko kay Tony, "Baka naman hindi ka lang nakita nung mga taga-PBA dahil paikot-ikot ka?"

Sagot ni Tony, "Puwede ba nila kong di makita eh lumapit pa ko sa kanila’t nagparinig na uhaw na uhaw na ko? Ang sagot ba naman sa akin eh sa labas daw ng coliseum maraming tubig."
* * *
Nandito na sa ating bansa ang pinakamatangkad na tao sa buong mundo. Grabe 8’2 siya at ang size ng kanyang paa ay 35. Kaya lang, ayaw naman niyang pumasok sa basketball career.

Kahit saan siya magpunta’y pinagkakaguluhan siya ng mga Pinoy at halos lahat eh gustong magpakuha ng litrato na kasama siya.

Samantala, binigyan na naman ng malaking pride ni Efren ‘Bata’ Reyes ang Pilipinas sa pagkakapanalo niya ng isa na namang prestigious billiard tournament sa Virginia, USA.

Mag-uuwi na naman siya $15,000 at bukod diyan, nominado pa siya sa search for the World’s All-time best billiard player.

Mabuhay ka, Efren ‘Bata’ Reyes!
* * *
Mabuti naman at mukhang nagkakasundo na ang mga PBA team owners na kahit naman di pa nila aminin, alam na nila kung sino ang mga peke sa mga Fil-Ams na nakapaglaro na dito during the past years.

Sa tingin ko, gumagawa na rin naman ng aksiyon ang mga team owners to clean their own ranks.

Good for the PBA!

Show comments