Wala nang nakapagtataka rito kung titignan ang taglay na talento ng koponan ngunit ang malaking katanungan ay kung madudugtungan ni Austria ang panalong ito.
Sa talentong dulot nina Romel Adducul, Eddie Laure, Ronald Tubid, Ariel Capus, Paul Artadi at iba pa, naging magaan ang daan ng Paint Masters patungo sa kampeonato.
Si Adducul ay ang tinanghal na Most Valuable Players ng kumperensiya at kasama nito sa Mythical Team sina Laure at Tubid. Si Artadi naman ay kabilang sa second Mythical Team at tinanghal na Most Improve Player.
Ito ang talentong bumubuo sa Paint Masters ngunit tatlo sa mga key players ni Austria ang di na niya makakasama sa susunod na kumperensiya.
Papalaot na sa Philippine Basketball Association sina Adducul, ang second pick ng Barangay Ginebra, Laure at Tubid na na-draft naman ng Shell.
Ang pagkawala ng tatlong ito ang nais remedyuhan ni Austria bago magsimula ang Chairmans Cup sa Oktubre.
"Siguro hahanap kami ng ex-pros na makakapalit ng tatlo o kukuha kami sa mga free-agent players," pahayag ni Welcoat co-team owner Raymund Yu.
Umaasa ang Welcoat na makakakita sila ng panapat na talento para sa naturang tatlong players mula sa free agent market ng PBA.
Nakumpleto ng Paint Masters ang sweep laban sa Dazz Dishwashing Paste sa kanilang best-of-five series kamakalawa matapos ang 80-71 panalo sa Pasig Sports Center.
Matapos mag-leave-of-absense ng isang kumperensiya, nagbalik ang Welcoat para sa kanilang ikalimang titulo sa PBL at ikatlo naman para kay coach Leo Austria. (Ulat ni Carmela Ochoa)