Sa laban ng Makati, agad na bumandera ang Canlubang sa second inning sa two-run triple ni Edmond Pasig na sana ay three-run homerun kung hindi niya nakalimutan tumuntong sa homeplate na dahilan upang i-out siya ng umpire.
Nagawa pa nilang palawigin ang kanilang kalamangan sa pamamagitan ng three-run homerun ni Melvin de Castro sa third inning at solo homerun ni Pasig sa fourth inning bago bahagyang naibaba ng Makati ang abante sa lima sa pamamagitan ng sacrifice ni Richard Leonor na nagpa-iskor kay Justin Torio.
Sa laban naman nila kontra Zamboanga, abante ang Canlubang sa 2-0 matapos ang tatlong inning, ngunit bago magsimula ang fourth inning, nagprotesta ang Zamboanga na ayon sa kanila, si pitcher De Castro ay nakapukol na ng higit sa tatlong inning kontra sa Makati at kailangang magpahinga muna ayon sa batas ng Little League.
Bagamat pinabulaanan ng Canlubang ang akusasyon ng Zamboanga, pero matapos na konsultahin ni tournament director Filomeno Boy Codiñera ang rule book ng Little League, pinaboran niya ang protesta ng Zamboanga at idineklarang panalo ang Zamboanga via forfeiture.
Samantala, sa isa pang laro, niyanig ng Cebu ang opening day winner Cagayan sa pamamagitan ng 12-2 panalo sa pinaigsing 5-inning na laro.