Magsisimula ang aksiyon sa Tarlac, Tarlac City sa pagitan ng Ginebra at Shell Velocity.
Magsisimula ang laban sa ganap na alas-5:00 ng hapon sa Tarlac State University.
Bagamat nasa poder na ng Gin Kings ang dating MBA star at second pick na si Romel Adducul, hindi pa ito masisilayan ngayon ng mga taga-Tarlac dahil kasalukuyan pa itong naglalaro para sa Welcoat Paints na nasa finals ng PBL Challenge Cup.
Ngunit inaasahang maglalaro ang kanilang second round pick na si Sunday Salvacion, kasama sina Eric Menk, Vergel Meneses, Bal David at Jun Limpot
Nakuha naman ng Shell sina Eddie Laure at Ronald Tubid ngunit tulad ni Adducul na kanilang ka-teammate sa Welcoat, di rin sila makakalaro dahil kailangan muna nilang pagsilbihan ang kanilang PBL Team na may Game-Two rin ngayon laban sa Dazz sa Lipa City.
Gayunpaman, inaasahang maglalaro sa exhibition game na ito si Benjie Paras na naghahangad makabalik sa aksiyon mula sa kanyang knee injury kasama sina Chris Calaguio, Edwin Bacani, Chris Jackson, Tony dela Cruz at Mike Hrabak.
"This undertaking is part of our continued efforts to bring the games even more closer to our fans," ani league commissioner Noli Eala. "Im sure this series of games will be just as exciting and definitely it will provide our fans a glimpse of whats in store when the PBA opens on Feb. 23," dagdag pa nito.
Pagkatapos ng laro ngayon, susundan naman ito ng engkuwentro ng FedEx Express at Purefoods TJ Hotdogs sa Marikina bukas na mag-sisimula sa alas-3:30 ng hapon.
Bawat koponan ay may dalawang laro sa pre-season schedule kung saan magkakaroon din ng laro sa De La Salle, Far Eastern University at Lyceum of the Philippines.