Subalit kahit na bumalik ang tatlong manlalarong nabanggit ay bawas pa rin ng isa ang Tigers Mangyariy nagpa-opera si Freddie Abuda sa kanyang kaliwang paa. Matagal nang nananakit ang paang ito pero hindi pinapansin ni Freddie.
Ang akala daw ni Freddie ay routine check-up lang ang mangyayari nang magtungo siya sa duktor. Yun pala ay may mga mineral deposits na ang kanyang paa at kailangang i-scrape ito. Hayun at natuluyan na siyang operahin. Minor operation nga lang pero anim na linggo pa rin naman siyang mawawala.
Natatawa na lang si Reyes sa nangyayari sa kanyang koponan dahil nga sangkaterbang injuries na ang kanilang napagdaanan na. Hindi nga bat sa nakaraang season ay nagkaroon ng diperensiya sa tuhod sina Estong Ballesteros at Cris Bolado at hinidi na nakapaglaro pa sa All-Filipino Cup. Si Cariaso ay nagtamo ng groin injury samantalang si Johnny Abarrientos ay naoperahan sa mukha nang lumubog ang kanyang cheekbone matapos na masiko ni Rob Duat.
Pero kahit na sangkaterbang injuries ang nangyari ay nagawa pa rin ng Tigers na magkampeon at magtala ng kasaysayan sa PBA.
"Sanay na kami sa ganito, eh. Para bang kapag walang nagkaroon ng injury ay hindi kumpleto ang kampanya namin," ani Reyes.
Katunayan, nang isumite niya ang kanyang line-up sa pamunuan ng Coca-Cola sa simula ng taong ito ay natawa din ang pinagbigyan niya ng listahan.
"Tinanong ako kung bakit daw ganoon ang line-up ko. Dalawang klase lang ang players ko -- guwardiya o forward. Wala akong sentro," ani Reyes.
"Eh sa talagang ganoon ang line-up ko, eh. Sino ba sentro ko? Si Poch Juinio? Eh, hindi na sentro yon dahil nagbababa na ng bola at tumitira na sa three-point area. Isa lang talaga ang sentro ko, si Bolado, pero injured pa," dagdag ni Reyes.
At kahit na nga ang first round pick ng Coca-Cola sa nakaraang Draft na si Reynell Hugnatan ay hindi naman puwedeng -classify na sentro sa PBA dahil maliit siya kumpara sa iba.
Tuloy, sinasabi ni Reyes na hindi pabor sa Coca-Cola ang bagong format ng liga na mahaba ang mga conferences. Bale 18 games kasi ang double round eliminations.
"Hindi na kami pwedeng manggulat ngayon dahil mabibisto na nila kami. Mahaba ang tournament at may sapat na panahon ang kalaban para ma-scout kami nang husto. Hindi bale. Basta, laban lang kami nang laban, okay na yun."
Eh, ano pa nga ba ang magagawa ng Tigers?