Ito ay kinumpirma ng manlalaro sa Pilipino Star Ngayon noong premiere ng pelikulang "8 Mile" sa Glorietta noong Lunes.
Magdadalawang taon nang hindi gumagaling ang injury ni Jolas sa tuhod, kaya't minabuti na rin niyang tumigil bilang player, at magpatuloy bilang assistant coach ng prangkisang natulungan niya ng maraming taon.
Naunang makilala si Lastimosa bilang football player, subalit naging malakas ang hatak ng basketbol, na unang pinasukan ng kuya niyang si Danny.
Naglaro siya sa Ateneo de Manila Blue Eagles noong 1982, sa ilalim ng magkapatid na coach na sina Ogie at Chito Narvasa. Pagkatapos nito, bumalik siya sa Cagayan de Oro, at naging sikat na manlalaro ng Mama's Love sa PABL.
Naging bahagi si Jojo ng RP Team sa pamamagitan ng try-outs, isang karanasang nakaukit na sa kanyang alaala.
"Kahit na noong una, hindi ako masyadong nakakapaglaro dahil pareho kami ng posisyon nila Samboy (Lim) at Allan (Caidic)," bungad niya, "masasabi ko sa mga anak ko na nakapasok ako sa RP team dahil sa try-out, sa sarili kong galing."
Umentra si Lastimosa sa PBA noong 1988, kasama sa mga kakampi sa RP team na sina Alvin Patrimonio, Jerry Codiñera at Glen Capacio. Sila ang nagpalakas sa baguhang koponan ng Purefoods ng ilang taon. Pagpasok ng 1990's, napadpad naman si Jolas sa Alaska. Naihatid niya ito sa maraming kampeonato, noon, kumagat na ang triangle offense ni Tim Cone. Ilang beses na ring naging All-Star si Jolas.
Pagpasok ng bagong milenyo, naging mapait na karanasan ni Lastimosa ang itapon siya sa Pop Cola ng Alaska management. Subalit hindi nagtagal ay nakabalik siya sa Alaska at sa matalik niyang kaibigang si Cone. Pero hindi na siya ang dating Jolas, dahil may tama na ang kanyang tuhod, kauna-unahan niyang injury.
Bagamat retirado na siya, hindi pa rin makapaniwala si Jolas sa suwerte niya.
"Hindi ko inakala kailanman na mararating ko ito," iling niya. Sino ba naman ako, taga-Cagayan de Oro, na magiging kilala sa Maynila. Talagang panaginip ito na nagkatutoo."
Ngayong tumigil na siya sa paglalaro, pasalamatan natin si Jolas, sa antas ng kanyang pagiging propesyonal, at sa ilang pag-akyat sa rurok ng tagumpay.