Unay dinurog ng Dazz ang LBC-Batangas Blades sa mismong teritoryo nila sa Lipa City dalawang Sabado na ang nakalilipas. Sa larong iyon ay gumawa si Ferriols ng 13 puntos at pitong rebounds. At noong nakaraang Sabado naman ay nagtulong sina Ferriols at Joel Dualan sa third quarter upang pigilan ang opensa ng nangungunang Welcoat House Paints at magwagi ang Dazz, 62-49.
Bunga ng mga panalong ito ay malaki ang tsansa ng Dazz Dishwashing Paste na makakuha ng twice-to-beat advantage sa semifinals. Itoy mangyayari kung tatalunin nila ang Blu Detergent sa kanilang sagupaan ngayong hapon sa Pasig Sports Center.
Sa laro kontra Welcoat ay pinatunayan ni Ferriols na kaya niyang makipagsabayan kina Romel Adducul at Eddie Laure na matataas ang billing sa 2003 PBA Draft na ginanap kahapon sa Glorietta Activity Center sa Makati City.
Kasi nga, bago naglaro si Ferriols sa Dazz ay sina Adducul at Laure lamang ang napag-uusapan nang husto. Nagpapasiklab kasi sila at napabilib ang mga PBA scouts. Tila ba nakalimutan ng lahat na si Ferriols ang kauna-unahang Most Valuable Player ng Metropolitan Basketball Association bago nakamit nina Adducul at Laure ang karangalang iyon.
Siguro, kung sa simula pa lamang ng PBL Challenge Cup ay naglaro na kaagad si Ferriols ay napag-usapan din siya nang husto.
Kaso moy hindi siya pinayagan ng ABS-CBN na maglaro sa PBL hanggang hindi natatapos ang kanyang kontrata. Kasi, kahit na nag-disband ang MBA ay may kontrata pa rin si Ferriols sa ABS-CBN na siyang sumagot ng kalahati sa kanyang suweldo. Ang kontratang ito ay napaso noong Disyembre 31 kung kayat noong Enero 4 lang siya naging available sa Dazz.
Mabuti na lamang at kahit paanoy nakasingit ang Dazz sa upper bracket pagkatapos ng elimination round. At buhat sa ikaapat na puwesto ay unti-unting nakaangat ang koponang ito.
Kung noon ay kinukuwestiyon ang kundisyon ni Ferriols bunga ng pagkakabakante ng halos anim na buwan, ngayon ay maraming naniniwalang ubra nga siya sa PBA. Malaki siya at puwedeng maglaro ng back-to-the-basket.
Pero ang sinasabi ng iba ay kulang sa outside shots at medyo mabagal si Ferriols. Iyon daw ang pinag-iisipan nang husto ng koponang pumili sa kanya.
Hindi naman nagyayabang si Ferriols pero sinabi niya na galing siya sa MBA na isang ligang mabilis. Kaya niyang makipagsabayan kung takbuhan lamang ang pag-uusapan.
At hinggil sa outside shots, aniya "Secret!"
Ibig sabihin, may ibubuga rin siya kung shooting din lang ang pag-uusapan!
Suwerte naman ng Dazz.
At suwerte din ng PBA team na kumuha sa kanya!