Noong Miyerkules, nag-eensayo pa sa Talk 'N Text Phone Pals si Gilbert Demape. Huwebes, lumabas ang balitang pupunta na siya ng Purefoods para malibre na si Villanueva. Kinakausap daw ng Phone Pals ang Shell, na pipili ng pangatlo sa draft, para kunin na lamang si Eddie Laure. Pero, ang lahat ng ito'y ipinagkibit-balikat na lang ni Villanueva.
Marami ring usap-usapan kung mananatiling sentro nga ang laro ni Villanueva, na bagong dating mula sa naipangakong bakasyon para sa Ateneo Blue Eagles sa Amerika. Walang tigil ang pagpaparangal sa koponan. Biyernes, tumanggap sila ng Presidents Award mula sa Philippine Sportswriters Association. Sabado, inilunsad ang Its Our Time, isang aklat na nagdedetalye sa kanilang nakaraang UAAP season.
Hindi mo rin masisisi si Villanueva kung maguguluhan siya, dahil napakaraming balita tungkol sa kanya, pero wala namang nagtatanong ng direkta sa bata. Pero, saan man siya mapunta, siguradong malaki ang maitutulong niya rito.
Samantala, nagpaplano na ng lubusan ang IBC-13 para dagdagan ang mga sports programs nito tungo sa masiglang 2003. Sa isang pulong na ginanap noong Biyernes, napagkasunduang magdaragdag ang IBC ng maraming bagong programa upang mapuno ang mga nabakante ng Viva-Vintage, na malaki pa raw ang utang sa network. Kasama naman doon ang mga bagong sports program tulad ng isang post-game show pagkatapos ng PBA Games. Malaking benepisyo ito para sa mga fans na hindi makakapanood ng dalawang buong laro. At maililigtas din nito ang mga programang kasunod ng PBA, na madalas masagasaan kapag nag-overtime o humaba yung laro.
Marami pang ibang plano ang IBC upang tulungan ang sports sa Pilipinas. Abangan.