Sigurado nang top two picks sina Mike Cortez at Romel Adducul ngunit tiyak na maraming sorpresa ang mangyayari dito.
Sinabi na ng Alaska, ang unang pipili sa draft, na gagawin nilang top pick ang Fil-Am na si Mike Cortez habang huhugutin naman ng Barangay Ginebra si Rommel Adducul bilang second pick.
Bagamat si Adducul, ang dating MBA star player, ang inaasahang maging top pick, obligado ang Alaska na kunin si Cortez dahil kailangang kailangan nila ng guwardiya.
"I think weve made it clear that we want Mike Cortez," ani Alaska coach Tim Cone.
Bukod kina Cortez at Adducul, ang iba pang malalaking pangalan ay sina Enrico Villanueva ng Ateneo, Eddie Laure, John Ferriols, Marlon Legaspi, Reynel Hugnatan, Ronald Tubid, John Billy Mamaril at Sunday Salvacion na inaasahang makukuha sa first round.
Naging matunog din nitong mga nakaraang araw ang ilang pangalan ng mga Fil-Ams.
Bukod kay Jimmy Alapag, may mga koponang kumukursunada kina Edgar Tejada, Dustin Coloso, Harvey Carey at Brandon Lee Cablay.
May kabuuang 62 players ang pagpipilian sa Draft na mapapanood ng live sa NBN-4. Karamihan sa mga rookie aspirants ay galing sa nagsarang MBA, ang iba ay sa Philippine Basketball League at kabilang din ang 13 na Fil-foreign players.
"This years draft will be more than a PBA affair. This is going to be some sort of Fans Day," pahayag ni PBA Commissioner Noli Eala. "The league owes its success to the fans and we hope we could make them happy in our own little way."
Ikatlong pipili ang Shell kasunod ang Talk N Text na nakakuha ng fourth pick matapos makipag-trade sa Purefoods kapalit ng kanilang ikaanim na pick at si Gilbert Demape.
Ikalimang pipili ang Sta. Lucia kasunod ang Purefoods, ikapito ang Red Bull, susunod ang San Miguel at pagkatapos ay ang Coca-Cola bago ang Alaska.