Hindi pa naghihilom ang mga tahi ng mga napinsala ng paputok noong Bagong Taon, eto na't may di-inaasahang paghaharap ng PBA at PBL.
Sa mga hindi nakakaalam, idaraos ang kauna-unahang Pre-Draft Camp ng PBA sa SM Megamall parking area bukas ng hapon. Magpapakitang-gilas ang mga aplikante sa publiko, kabilang na ang mga datihan ng MBA. Sa pahayag ni PBA Com. Noli Eala, papatawan ng parusa ang mga aplikanteng hindi dadalo. Nag-alma siyempre ang PBL, dahil umaandar pa ang kanilang liga. Nagtawag ng pulong si PBL Com. Chino Trinidad para ngayong hapon. Imbitado si Eala.
Dalawa ang isyung nasasaloob nito. Una, may hurisdiksyon ba ang PBA sa mga manlalarong papasok pa lamang at di pa ganap na player nito? Sakop pa ba ng PBL ang mga ito, gayong palabas na sila sa pagiging amateur? At kung makuha sila sa draft, ilan sa kanila ang mag-eensayo pa sa mother team nila sa PBL?
Pangalawa, hindi siguradong magkatugma ang gusto ng PBA at ng mga indibidwal na koponan nito. Tandaan nating hindi regular na court ang gagamitin sa camp, kaya't maaaring mangamba ang ilang koponan na mapilayan ang player na napipisil nilang kunin sa draft. Marahil, handa na ang ilan na bayaran ang anumang multa na pwedeng ipataw ng Office of the Commissioner.
Hindi ito ang magiging huling pagkakataon na hindi eksaktong magkapareho ang nais ng mga team at ang kagustuhan ng PBA mismo. Alam naman natin na may mga regulasyon na hindi nasusunod minsan, dahil sa pagnanasa ng isang team na manalo, higit sa lahat. Naririyan ang isyu ng mga Fil-Am, mga import na hindi napapalitan kaagad, at iba pa. Subalit magandang karanasan ito para kay Commissioner Eala. Dahil dito, nakikita niya kung gaano kabigat ang dating ng PBA sa madla, at nasusukat niya lalo kung gaano kahirap o kadali ang magiging trabaho niya.
Bawat hakbang, mali man o tama sa pananaw ng ilan, ay ugat ng panibagong pag-aaral.