Ano ba ang mga kailangan ng bawat koponan? Tingnan nga natin.
FedEx Express. Marahil, isang beteranong sentro ang dapat hanapin ng Express, para hindi na hinog sa pilit si Yancy de Ocampo. Ang kulang pa sa Express ay ang isang "enforcer" gaya nila Vic Sanchez noong araw, upang di masyadong madehado ang mga bata sa koponan.
Barangay Ginebra. Sa napipintong pagkuha ng Gin Kings kay Romel Adducul, madaragdagan sila ng malaki, na di na gaanong kailangan. Subalit ang suliranin ng Ginebra ay kung sino talaga ang magdadala sa koponan, lalo na sa mga huling minuto ng laro. Liban dito, madalas ay hindi maganda ang mga opensa ng Gin Kings, at hilaw ang kanilang mga play. Nasa sa kanila na ang materyales, diskarte na lang ang kulang.
Sta. Lucia Realty. Magpapalit nga ba ng coach ang Realtors? Napakalakas nila noong nakaraang taon, lalo na nang makuha nila ang kanilang kauna-unahang kampeonato. Subalit ano ang nangyari? Hindi gaanong nagamit ang mga baguhan, at may mga na-injured din sa kanilang mga player. At alam naman nating nabulabog ang lahat sa RP Team. Mainam kung may makuhang small forward na kayang sumalaksak sa loob, para gumaan ang trabaho ng kanilang mga malalaki.
Alaska Aces. Di naman gaanong kailangan ng pagbabago ng Aces, subalit may mga player silang may edad na na kailangan na sugurong pag-isipang iretiro. Maganda ang nagawang pagpasak ni Tim Cone sa mga butas sa backcourt, pero kung makuha nila si Mike Cortez, tapos na ang mga problemang iyon.
Talk 'N Text Phone Pals. Ang tanging suliranin ng Phone Pals ay kung paanong pag-isahin ang napakalakas na nilang grupo. Kung lubusan nilang maaayos ang kanilang samahan, kahit wala silang makuha sa draft, malayo pa rin ang mararating nila.
Sa Huwebes, pag-uusapan natin ang mga natirang koponan sa PBA, at kung paano sila pipili sa Annual Draft.